Better Makati, tumatak na modelo ng pagbabago sa bansa
Bilang Mayor ng Makati, nakatanim sa aking puso ang layunin na magbigay ng mas maginhawang buhay para sa bawat Makatizen.
Kung babalikan natin ang aking panunungkulan bilang punonglungsod mula July 2016, nakaka-proud kung gaano kalaki ang naitulong ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, at mga serbisyong panlipunan na isinagawa natin.
Noong huling State of the City Address ko, masaya kong ibinalita na tumaas ang kalidad ng buhay sa Makati. Ang poverty rate natin, na nasa 0.6 percent, ay isang malaking tagumpay, at ang ating Human Development Index na 0.903, isa sa pinakamataas sa bansa, ay mga patunay na ang mga katagang “inclusive progress” ay hindi lamang isang pangako o pangarap, kundi isang katotohanang ramdam ng mga mamamayan.
Mahalaga sa akin na matutukan ang mga serbisyong medikal para sa ating mga kababayan. Masaya akong malaman na maraming pamilya ang natulungan—mga residente na may libreng maintenance medicines, dialysis, at chemotherapy ng ating Yellow Card program.
Para sa akin, ang mabuting kalusugan ay hindi isang pribilehiyo, kundi isang karapatan na dapat taglayin ng bawat isa.
Hindi rin puwedeng mawala ang edukasyon sa mga prayoridad natin. Kaya’t patuloy ang modernisasyon ng ating mga public schools. Nandiyan ang smart classrooms, ang paggamit ng renewable energy, at ang Library Book Mobile na nagdadala ng edukasyon sa mga komunidad.
Naniniwala akong edukasyon ang susi para sa mas matatag at maunlad na kinabukasan. Kaya naman sinisikap nating maihanda ang kabataan sa mga hamon ng hinaharap, at tiyakin na mayroon silang sapat na kasanayan at kaalaman upang maging matagumpay.
Habang nagbabalik-tanaw ako sa mga nagawa natin sa Makati, nakikita ko rin ang mas malaki at mas malawak na adhikain—ang gawing modelo ang Makati sa buong bansa.
Sa pagtatapos ng aking panunungkulan bilang Mayor sa June 2025, nais kong maging inspirasyon ang Makati sa iba pang mga lungsod at bayan.
Ang mga programang naging matagumpay dito ay gusto kong maipatupad sa buong Pilipinas.
Kaya’t nagpasya akong tumakbo bilang senador sa darating na halalan sa Mayo 2025, upang maisakatuparan ang mga magagandang programang ito para sa mas nakararami.
Tiwala ako na kung bigyan ng tamang prayoridad at suporta ang ating mga komunidad, magkakaroon tayo ng tunay na pagbabago at pag-unlad sa buong bansa.
Ipinakikita na natin na kapag sama-sama at may tunay malasakit, hindi imposibleng makamtan ang better at tunay na kaunlaran para sa lahat.
- Latest