Topo-topo barega

Nang ako’y musmos pa, may kawikaan kaming mga paslit hinggil sa mga bagay na ibinigay at hindi na dapat bawiin: “Topo-topo barega.” Napabalita ang hiwalayan ng dalawang prominenteng lovers.

Super-yaman ang lalaki at niregaluhan ng mga mamaha­ling bagay ang babaeng iniirog. Ngunit nang umasim ang relasyon ng dalawa ay hinangad ng lalaki na bawiin ang bawat ­mamahaling regalong ibinigay niya. Napaka-palso nito!

Kapag binusog mo ng mga mamahaling bagay ang babaing minamahal mo ito ay dahil sa ligayang naibibigay niya sa iyo. Para sa mga bilyonaryo, karaniwang ginagawa ito upang mabihag ang puso ng babaing sinusuyo. Ang mga mamahaling alahas, sasakyan o magagarang mansion ay kakatiting na bawas sa di masukat na kayamanan.

Kung ito’y naipagkaloob na, hindi makatuwirang bawiin pa ang mga ito sa sandaling maghiwalay sila sa ano mang dahilan. Ito ay payong dapat dinggin ng mga mayayamang mangingibig na habang nakakalasap pa ng ligaya sa babae ay walang tigil ang pagbubuhos nila ng biyaya pero kapag naglaho ang “kilig” ay babawiin ang lahat ng naibigay.

Nakakahiya at nakawawala ng respeto sa taong gumagawa nito! Yung iba, nagkakademandahan pa kapag ayaw magsauli ng regalo ang babae. Huwag kalilimutan na noong masaya pa ang mga pinagsasaluhan ninyong panahon, lumasap kayo ng ligaya sa babaing inilalaglag na ninyo.

Oo nga’t lumigaya rin siya pero hindi iyan ang punto. Ang pag-oobliga sa babae na ibalik ang mga milyong pisong halaga ng regalo ay hindi patas at mali.

Yun bang ipinalasap niyang ligaya sa iyo sa pagniniig ninyo sa kama at ibang paraan ay mababawi niya? Hindi! Napakalaking kahihiyan! Hindi paraan iyan upang maipamalas ang dignidad ng iyong pagkatao.

Show comments