Halos araw-araw ay may nakukumpiskang shabu ang mga awtoridad. Nagkakahalaga ng milyon at magkaminsa’y bilyong piso ang mga nakukumpiskang droga. Karamihan sa mga naaaresto ay nagsasabing nagtulak sila ng shabu dahil sa kahirapan ng buhay. Wala umano silang pinagkakakitaan kaya napilitang magtulak. May nagsabi pang madaling pagkakitaan ang shabu. Sa isang iglap lang ay pera na ang 1-gramo. Kusa pa raw lalapitan ng mga nagbibisyo. Hindi na kailangang lumayo para magtulak sapagkat nasa paligid lamang ang mga customer.
Lumilinya sa pagtutulak ang mga mag-asawa o magka-live-in. Mayroon ding mga lolo at lola na nagtutulak. Kahit mga estudyante ay pinapasok na rin ang pagtutulak na ang katwiran ay wala raw sila pang-tuition. Hindi raw sila kayang sustentuhan ng mga magulang kaya napasok sila sa ganitong gawain.
Halimbawa ay ang estudyanteng nahuing nagtutulak sa Cebu City. Ang estudyante ay kumukuha ng criminology. Nakunan siya ng 1.1 kilo ng shabu na may street value na P7.5 milyon. Ang naarestong estudyante ay kabilang umano sa high value target at dito rin kumukuha ng shabu ang iba pang mga tulak.
Mayroong ginagawang sideline ang pagtutulak ng shabu. Gaya ng isang casino agent na natiklo ng mga pulis at nakuhanan ng P3.6 milyong halaga ng shabu. Sinampahan ng kaso ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act.
Sinabi naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mula Enero 1-14, 2025, nakakumpiska sila ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P36.7 milyon. Nasa 410 drug suspects naman ang kanilang naaresto. Ayon kay Brig. General Anthony Aberin, magsasagawa pa sila nang malawakang drug operations sa Metro Manila. Ito ayon kay Aberin ay para masiguro ang kaligtasan ng mga taga-Metro Manila laban sa illegal na droga.
Ang nakapagtataka naman, walang masabi ang PNP kung saan nanggagaling ang shabu at wala rin silang malambat na bigtime drug lord. Pawang mga pipitsuging drug pusher ang nalalambat. Kung talagang maigting ang kampanya laban sa illegal na droga, bakit walang “malaking isda” na mahuli?
Drug recycling ang sinasabing dahilan kaya hindi maubos ang suplay ng shabu. May mga korap na pulis na hindi lahat dinideklara ang nakumpiskang shabu. Nagsusubi sila ng shabu para pagkaperahan.
Ang pagkakasangkot ng dalawang mataas na opisyal ng PNP at 30 nilang tauhan sa P6.7 bilyong shabu na nakumpiska sa Tondo, Maynila noong 2021 ay patunay na malawak ang negosyong shabu sa bansa. Pinagkakakitaan ng mga korap na pulis. Hindi mauubos ang shabu hangga’t may mga tiwaling unipormado.