Sabi ni Comelec chairman George Garcia na sisirain ang anim na milyong balota na una nang naimprenta. Malaking pera ang nagastos dito. Ayon sa nabalitaan ko, nagkakahalaga ng humigit-kumulang P100-milyon ang halaga ng sisiraing balota.
Bakit hindi muna sinigurado ng Comelec na walang aapela sa kanilang balak na pag-imprenta ng mga balota. Ang hindi naikonsidera ni Garcia ay ang petisyon ng limang kandidato.
Sa tingin ko, nagmamadali na si Garcia at iba pang opisyal na makumpleto na nang maaga ang kanilang trabaho upang makapahinga sila sa pagpupuyat.
Noong nakaraang linggo, lumabas ang kautusan ng Supreme Court na ipatigil ang pag-imprenta ng balota dahil maisasama na ang limang kandidato at iba pang naghahabol matapos na burahin ito sa official ballots.
Kaya milyun-milyong piso na galing sa buwis ng taumbayan ang nasayang sa mga sisiraing balota.
Sana ginastos na lamang sa pagpapakain sa mga mahihirap ang ginastos na milyones. Sa surbey pa naman ng SWS ay marami ang nagsabi na sila’y nakaranas ng gutom.
Nararapat paimbestigahan ni President Bongbong Marcos Jr., ang kapalpakan ng Comelec sa pag-iimprenta ng balota.
Samantala, nagsagawa ng National Peace Rally ang Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand. Layunin ng rally na hindi na magkawatak-watak ang mga Pilipino.
May nagbulong sa akin na ang peace rally ay pagsang-ayon sa pahayag ni PBBM na huwag nang i-impeach si Vice President Sara Duterte.
Matigas ang paninindigan ni PBBM na huwag nang i-impeach si. Sara dahil sayang lang daw ang guguguling oras dito.
Subalit, marami rin ang nagsabi na dapat lamang ituloy ang impeach kay Sara upang maging malinaw sa madla kung paano nagamit ng VP ang intelligence fund.