Isang kakaibang kaso ng panloloko ang pinag-uusapan ngayon sa Australia kung saan isang babae ang napilitang maghain ng annulment matapos niyang malaman na ang kasal kung saan siya naging “bride” para sa isang social media “prank” ay lehitimo pala.
Nakilala ng hindi pinangalanang biktima ang kanyang social media influencer boyfriend sa isang dating app noong Setyembre 2023.
Matapos ang ilang buwan ng pakikipag-date, inimbitahan siya ng lalaki sa isang “white party” sa Sydney noong Disyembre 2023.
Sinabihan siyang magsuot ng puting damit para sa tema ng party. Sa kanyang pagdating, nabigla siya nang malaman na walang ibang mga bisita kundi ang lalaki, isang photographer, at isang marriage officiant.
Ayon sa babae, ipinaliwanag ng lalaki na ang nagaganap ay isang “prank wedding” para gamiting content sa kanyang Instagram.
Pinaunlakan niya ang kahilingan ng lalaki na magkunwaring bride para sa video. Nakumbinsi siyang hindi ito magiging lehitimong kasal dahil wala naman daw silang isinumiteng mga kinakailangang dokumento.
Sa video na isinumite sa korte, makikita ang babae na masiglang gumaganap ng papel bilang bride, nagbibigay ng vows, at nakikipaghalikan sa lalaki.
Noong Pebrero 2024, dalawang buwan matapos ang “kasal”, nakiusap ang lalaki na idagdag siya nito bilang dependent sa application nito na maging permanent resident ng Australia.
Doon niya nadiskubre na lehitimo pala ang kasal at naiproseso na ang mga dokumento, kabilang ang pekeng pirma niya sa isang “notice of intended marriage” na isinumite bago pa ang prank wedding.
Sa kanyang affidavit, sinabi ng babae na labis siyang nagalit at nadismaya nang malaman ang panloloko ng lalaki.
Ayon sa desisyon ng korte, nagawa ng lalaki ang lahat ng paghahanda para gawing lehitimo ang kasal, isang buwan bago ang seremonya.
Sa paglilitis, mariin namang itinanggi ng lalaki ang mga alegasyon at iginiit na totoong kasalan ang naganap. Sinabi niyang inaya niya ang babae sa isang “intimate ceremony” at pumayag ito.
Ngunit hindi nakumbinsi ang korte. Ayon sa hukom, “hindi kapani-paniwala” na ikakasal ang babae sa loob lamang ng dalawang araw matapos ang proposal, lalo na’t wala ni isa man sa kanyang pamilya o kaibigan ang dumalo.
Sa huli, idineklara ng korte na hindi legally valid ang kasal dahil malinaw na hindi kusang-loob na sumang-ayon ang babae.