Madalas nating marinig ngayon ang pagtalakay ng isyu ng artificial inteligence o AI. May tumitira rito, mayroon ding suportado ito. Madalas din akong inaanyayahang mag-host sa mga conference at pagtitipon kung saan AI ang pangunahing paksa. Hindi pa rito kasama ang pumapasok na posts sa aking social media feed na may kinalaman sa AI. Pagpapatunay ito na malaki ang interes ng mga Pilipino at ng buong mundo sa AI tools.
Ngunit bago tayo matangay ng hype ukol sa epekto ng AI, subukan nating mas maliwanagan kung paano natin ito maaaring yakapin at paano ito makatutulong sa pagpapabuti ng ating buhay at ng iba’t ibang sektor, kasama na rito ang aming larangan sa multimedia, broadcasting, at journalism.
Sa industriya ng media, malaki ang naitutulong ng AI sa production process tulad ng editing, captioning, graphics at maging sa research at pagkalap ng impormasyon. Pero dahil sa mahalagang papel ng media bilang haligi ng demokrasya, paano natin mapapangalagaan ang katotohanan habang gumagamit tayo ng AI para sa paggawa, pagpapakalat, at paggamit ng impormasyon? Posible ba ito? Naniniwala akong oo.
Traditional at digital media
Sa ngayon, ang media ay may dalawang anyo: traditional at digital.
Ang traditional media na ating kinalakihan -- radyo, telebisyon, at dyaryo – ay palaging maaasahang mapagkukunan ng tamang impormasyon dahil may sinusunod silang mga pamantayang editoryal.
Gayunpaman, sila ay kadalasang nahaharap sa mga limitasyon pagdating sa bilis ng paghahatid ng balita at kakulangan ng interaksyon sa publiko.
Ang digital media naman ang nagbigay-daan sa real-time reporting at nagbigay sa bawat isa ng boses sa pamamagitan ng interaksyon at mga komento lalo na sa social media. Ngunit kasabay ng accessibility nito ay ang posibilidad ng maling impormasyon, pekeng balita o fake news, at mga automated algorithm na posibleng magdulot ng pagkiling o bias.
Kaya sa pagpasok ng AI, mas lumaki ang hamon sa mga miyembro ng media kung paano babalansihin ang napakaraming mga aspeto na may kinalaman sa pagkalap at distribusyon ng impormasyon. Ating tandaan na parehong may responsibilidad ang tradisyunal at digital media na panindigan ang iisang pundasyon ng katotohanan, pananagutan, at katarungan. Hindi ito dapat mabali, anuman ang platform.
AI bilang pangsuporta at hindi pamalit sa media
Sa pagdating ng AI, gumagawa na ito ng mga pagbabago na hindi natin maikakaila.
Pero hindi tungkulin ng AI na palitan ang mga mamamahayag at miyembro ng media. Nariyan ang AI para magbigay ng mga bagong paraan para mas mahasa pa at ma-level up ang ating mga kakayahan. Pinabibilis nito ang mga prosesong matagal at mabusisi gawin, at binubuksan ang mga bagong paraan ng pagsusuri ng datos at maging ang pagkukuwento o storytelling.
Sa buong mundo, makikita natin ang Reuters na gumagamit ng AI upang lumikha ng mga ulat sa pananalapi habang ino-automate ang bahagi ng proseso ng editoryal nito. Samantala, ang Washington Post ay binuo ang "Heliograf", isang sistema ng AI na kayang mag-cover ng mga balita na tulad ng eleksyon at Olympics.
Dito sa atin, ipinakilala naman kamakailan ng GMA Network ang AI-generated sportscasters na sina Maia at Marco para mag-cover ng NCAA. Ang Rappler ay naglunsad ng AI dialogue tool na tinatawag na "Rai" upang mapadali ang mga talakayan at isulong ang civic engagement.
Sa tulong ng teknolohiya at AI tools, mas napapaigting ang kakayahan at talento ng tao kaya’t mas nakaka-pokus tayo sa mas mahahalagang bagay tulad ng pagiging malikhain.
Isa sa mga madalas na dahilan ng pagtutol sa AI ay ang takot na maagawan tayo nito ng trabaho. Totoo namang inaasahang mararamdaman ang epekto ng AI lalo na sa mga proseso na nangangailangan ng automation at augmentation. Pero bagamat nangangahulugan itong marami sa mga manu-manong gawain ay maaaring palitan na ng AI tools, ang profile at kakayahan ng workforce sa hinaharap ay magbabago rin. Magkakaroon ng bagong mga posisyon na nangangailangan ng mga taong magaling gumamit ng AI tools. Bagama’t mawawala ang mga trabahong dati nang nakagawian, magbubukas naman ang oportunidad para sa mga bagong trabahong ibang skill sets ang kailangan.
Magbabagong anyo ang mga uri ng trabahong naghihintay para sa bagong henerasyon. Ang mga pagbabagong dala ng AI ay maaaring mangailangan ng mga bihasang indibidwal na marunong magsuri ng mga AI-generated na impormasyon, magberipika at mag-validate ng mga datos, magpaliwanag ng impormasyon gamit ang emotional intelligence, at lumikha ng mga kwentong mas makaka-relate ang mga tao.
AI-enhanced media para sa nation-building
Mahalaga ang papel ng media sa pampublikong diskurso, sa paghubog sa mga polisiya at sa pag-impluwensya sa opinyon ng publiko. Ang teknolohiya naman ang siyang nagdudulot ng mabilisan at malawakang pagbabago sa anumang bagay o sektor na pasukin nito.
Kaya kapag ang media at AI ay pinagsama, walang hanggan ang mga posibilidad ng mga maaaring idulot nito. Kasama na rito ang paghahatid ng mas maganda, mabilis at epektibong serbisyo-publiko sa pamamagitan ng personalized, data-driven content, pagpapalakas sa tinig ng mahhihirap na komunidad, at pagbabago sa paghahatid ng balita upang gawing mas accessible, tama, at engaging ang impormasyon.
Marami ang naniniwalang ang AI ay makatutulong para sa mas mabilis na pag-unlad ng mga komunidad. Sang-ayon ako sa pananaw na ito. Kung matututunan natin kung paano maayos na gamitin ang makabagong teknolohiya sa ating workflow, mas mabilis din nating maaabot ang ating mga target. Nagiging paraan din ang AI para mas mapalawak ang hangganan ng ating mga kakayahan sa hindi natin kailanman naisip na posible.
Ang responsibilidad ay nasa atin kung paano natin gagamitin ang AI nang tama at kung paano natin sisiguruhin na tayo’y hindi tatamarin sa pagtityak na ang mga impormasyong ating bitbit at ibinabalita ay may pagkiling sa katotohanan, pananagutan, at katarungan. Sa ganitong paraan, hindi lamang natin maiaangat ang kalidad ng ating trabaho, kundi makahahanap din tayo ng mas marami pang oportunidad upang mas mapalakas ang mga komunidad, mapaganda ang buhay ng ating mga kababayan at mapaunlad ang ating bansa.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.