EDITORYAL - Samsamin ang mga baril
IPINATUTUPAD na ng Philippine National Police (PNP) ang election gun ban.
Sa loob ng pitong araw makaraang ipatupad ang gun ban, nakaaresto na ang PNP ng 85 violators. Sa nasabing bilang, 71 ang sibilyan, tatlo ang appointed government officials, tatlong security guards, dalawang sundalo at isang empleyado ng Bureau of Corrections. Pinakamaraming naaresto sa Central Luzon, sumunod ang Metro Manila at ikatlo ang Ilocos region.
Naaresto ang gun violators dahil sa mga inilatag na Comelec checkpoint ng PNP. Habang papalapit ang May elections, naghahatid ng pangamba na maaring dumami pa ang mga maaaresto dahil sa pagdadala ng baril. Ang maigting na pagse-setup ng checkpoints ay nararapat namang ipatupad ng PNP para masakote ang mga may dalang baril. Karaniwang dahilan ng mga nahulihan ng baril ay hindi raw nila alam na may ipinatutupad na gun ban.
Hindi naman maikakaila na marami ang nagmamay-ari ng mga hindi lisensiyadong baril. Ang mga nangyayaring krimen gaya ng pagpatay, panghoholdap, pagnanakaw at iba pa ay pawang ginamitan ng mga hindi lisensiyadong baril. Nakapagtataka kung paano at mabilis na nagkakaroon ng baril ang mga sibilyan. Paano napapasakamay nila ang mga illegal na baril.
Noong nakaraang taon, sinabi ng PNP, humigit-kumulang sa 700,000 ang loose firearms sa bansa. At sa karamihan sa mga baril na ito ay pag-aari ng mga pulitiko na may private army. Ayon pa sa PNP, patuloy ang gun smuggling sa bansa.
Tuwing magkakaroon ng election, nagkakaroon ng gun ban at masidhi ang pagsasagawa ng PNP para masamsam ang mga baril na hindi lisensiyado. Ang tanong, bakit kailangan pang hintayin na magkaroon ng election bago magsagawa ng mga pagsamsam sa mga baril? Hindi ba dapat ay maging regular ang kampanya ng PNP laban sa loose firearms para hindi magamit sa krimen.
Nakapagtataka na kung hindi mag-e-election, parang hinahayaan na lamang ang pagkalat ng mga baril na nagiging dahilan sa pagdami ng mga nangyayaring krimen. Halimbawa na lamang ay sa away-trapiko na nauuwi sa barilan. Paanong ang isang karaniwang drayber ng dyipni o taxi ay mayroong baril at ginagamit sa nakaalitang drayber. Marami nang pangyayari na may binabaril na lamang dahil lamang sa kaunting pagtatalo dahil sa trapiko.
Noong 2023, sinabi ng PNP na maraming kaso ng gun-related violence sa buong bansa. Pinakamarami umano sa naging record ng PNP na umabot sa 4,956 kaso. Majority ng kaso ay shooting incidents, alarm and scandals, grave threat at robbery. Nasa 3,792 kaso na may kinalaman sa gun violence ang inihain sa korte.
Ngayong papalapit na ang election, triplehin ng PNP ang pagsisikap na masamsam ang mga hindi lisensiyadong baril.
- Latest