AFP, PNP hindi papanig sa anumang dynasty
NILANGAW ang panawagan ni ex-President Rody Duterte sa militar na makialam sa gulo sa pulitika. Inihirit niya ang seksyon sa Konstitusyon na nagsasabing ang AFP ay tagapagtanggol ng mamamayan. Nais ng mga tagasuporta niya na mag-mutiny ang AFP tulad nu’ng Pebrero 1986. Nabigo sila.
Sumuporta ang mamamayan sa AFP mutiny nu’ng 1986 dahil sa galit kay diktador Ferdinand Marcos Sr. Tatlong taon bago ‘yon ay pinatay ng rehimen si leader oposisyon Ninoy Aquino. Nasira ang tiwala ng madla sa gobyerno; nagiba ang ekonomiya.
Hindi martyr ang tingin ng taumbayan kay VP Sara Duterte. Ang ipinakita niya nu’ng Nob. 2024 sa Kongreso ay pagkaganid sa kapangyarihan. Sabi niya noon na may kausap na siyang papatay kay President Bongbong Marcos Jr. Batid ng mamamayan na siya ang pinaka-makikinabang sa kamatayan ng Presidente.
Dinoble ni Rody Duterte ang sahod ng sundalo at pulis nu’ng pangulohan niya. Malaking bagay ‘yon. Bago ‘yon ang suweldo ng PNP at AFP chiefs ay katumbas lang ng sarhento sa America.
Pero hindi tinanaw ng unipormado ang dagdag suweldo bilang utang na loob sa mga Duterte. Utang na loob nila ‘yon sa mamamayan na nagtutustos ng sahod nila. Ang sagot nila ay ibayong dedikasyon at sigla sa tungkulin.
Propesyonal ang karamihan sa AFP at PNP. May ilang mga heneral at cabo na nasilaw sa mga pabuyang pera at promosyon kapalit sa pagpatay ng drug suspects nu’ng 2016-2022. Unti-unti na sila nabibisto at nasasakdal. Panandaliang aliw lang ang natikman nila noon. Mahabang pagdurusa ang pagdaraanan nila ngayon.
Hindi sila papanig sa anumang political dynasty.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest