Para saan pala?

SA Dalahican Fish Port, Lucena City, Quezon, arestado noong Bagong Taon ang security guard matapos nitong barilin ang nagtangkang nakawan ang isang bodega. Nahuli niya itong pinipilit buksan ang roll-up na pintuan.

Tumakbo ang suspek at pinaputukan ng guwardiya para takutin. Pero nalaman ng guwardiya na tinamaan pala ang suspek at namatay. Ngayon, kulong ang guwardiya at mahaharap sa kasong murder.

Para saan pala ang security guard na nagbabantay sa mga maraming lugar? Para saan ang dala-dala nilang baril? Ano pala ang dapat ginawa ng guwardiya sa suspek? Sigawan? Murahin? Takutin gamit ang kamay? Batuhin? Isumbong sa mga pulis na hindi naman kaagad dumarating? Ano ba ang tungkulin ng guwardiya? Tapos murder ang isasampang kaso sa kanya?

Ganyan pala ang batas sa Pilipinas. Guwardiya ka. Tungkulin mo ang bantayan ang isang lugar para hindi manakawan. Tapos ‘pag may nagtangkang magnakaw, hindi mo puwedeng barilin kasi murder ang isasampa sa iyo.

Paano kung armado rin pala ang suspek, dapat mauna siyang bumunot para masabing ipinagtatanggol mo lang buhay mo? Paano kung maunahan ka? Sino ang patay? Sa mga ganyang sitwasyon, hindi mo na naiisip lahat iyan. Ang mahalaga ay ikaw ang buhay, hindi ba?

Sa U.S., pumasok lang ang kahit anong bahagi ng katawan ng isang taong may masamang intensiyon, may karapatan ka nang ipagtanggol ang sarili mo gamit ang kahit anong nakakapatay na bagay. Wala nang tanung-tanong kung namasukan ang tao na walang pahintulot. Problema wala tayo sa U.S..

Walang pinagkaiba ito sa kalsada. Natatandaan ninyo ang lasing na rider ng motorsiklo na sumalubong sa rampa ng Skyway kaya nabangga siya ng sasakyan at namatay?

Ikinulong pa ang drayber na nasa tamang lugar at walang kalaban-laban sa ginawa ng lasing. Mapapailing ka na lang talaga sa mga mambabatas na hindi man lang ayusin ang kalokohang ito.

Kapag malinaw na walang kasalanan ang drayber sa aksidente kung saan may namatay, hindi dapat ikinukulong. Kung nay video ng nangyari, sapat na dapat iyan para sa lahat.

At sa mga guwardiya, bakit pa nila ilalagay ang buhay nila sa peligro kung sila rin naman ang makukulong at makakasuhan kung ginampanan lang ang tungkulin?

Show comments