Masamang pulitika

Palaging may bahid dungis ang pulitika. Mas madalas kasi, ang nag-uudyok sa isang tao na pasukin ito ay pag­kaganid sa kapangyarihan at salapi. Hindi ‘yung mga taong marangal ang hangaring paglingkuran ang taumbayan at hindi ang sariling lukbutan.

Mayroon din namang pinapasok ang larangang ito na may marangal na layunin. Kaso, madalas din na nabibigo ang mga tunay na may mabuting puso dahil sa kawalan ng pondo at makinarya.

Subalit ‘yung mga may buktot na motibasyon ay gagawin ang lahat kahit masamang paraan para magtagumpay, kasama diyan ang pagliligpit sa kanilang mahigpit na katunggali. Kung magbabaliktanaw tayo sa kasaysayan, ang mga bayani ng rebolusyon gaya nina Andres Bonifacio at Ge­neral Antonio Luna ay pinatay dahil sa pulitika.

Marami ring mga journalist ang pinaligpit ng mga masa­samang pulitiko dahil sinagasaan sila ng kanilang panulat. Minsan, mahirap kumalaban sa mga tiwali dahil ang mga Ito’y wala nang budhi at handang gawin ang lahat upang ma­alis sa landas nila ang mga lumalaban sa kanila.

Ngunit ang pulitika ay bahagi ng buhay. Kapag nakiki­­sala­muha tayo sa ibang tao na ginagawa natin araw-araw, iyan ay maliit na pulitika. At ang pagpapatakbo ng pamahalaan ay malaking uri ng pulitika na tayong mga ma­ma­­mayan ay kasama rin. Walang paraan para kitlin ang puli­tika subalit puwedeng baguhin ang pakikisalamuha natin dito ng may katalinuhan.

Huwag nating kunsintihin at huwag makibahagi sa kati­walian na kinokondena natin. Maaaring hindi natin alam na sa tuwing magbigay tayo ng padulas para mapabilis ang transaksyon natin sa alin mang sangay ng pamahalaan, tayo mismo ang gumagatong upang lalong magliyab ang apoy ng korapsiyon.

Show comments