Giniba ng Napolcom ang kinabukasan nina ex-Gen’s Remus Medina at Randy Peralta at 42 pang pulis na pilit na idinadawit sa kaso ni MSgt. Rodolfo Mayo, na nakumpiskahan ng 990 kilos ng shabu worth P6.7 billion sa Tondo, Manila noong 2022. Bakit?
Dinismis kasi ng Department of Justice ang kasong planting of evidence, delay and bungling in the prosecution of drug cases at falsification na isinampa ng Napolcom laban kina Medina, Peralta et al. Araguyyy! Pahiya ang Napolcom dito ano?
Ano ang gagawin sa ngayon ng Napolcom para makabawi sa tropa nina Medina at Peralta na halos dalawang taon ding nagdusa?
Ang trabaho ng Napolcom mga kosa ay mag-administer at mag-control ng Philippine National Police. Kaya lang, pinahihirapan ng naturang ahensiya ang mga pulis? Hindi plantsado ang isinampa nilang kaso? Ano pa nga ba?
Mukhang nag-forum shopping ang Napolcom dito sa kaso ni Mayo at ang naiwang kawawa ay sina Medina at Peralta at 42 iba pa. Saan ang hustisya? Dipugaaa!
Ayon sa records, umabot sa 74 kapulisan ang sinampanan ng kaso ng Napolcom sa DOJ. Kung nadismis ang kaso nina Medina, Peralta et al, minalas naman ang grupo nina ex-Lt. Gen. Benjamin Santos at ex-Brig. Gen. Narciso Domingo at 28 pa dahil pinakasuhan sila ng DOJ panel. Araguyyy!
Mabubulok sa karsel ang tropa nina Santos at Domingo dahil non-bailable ang kaso nila, ‘di ba mga kosa? Samantalang, ang kasalanan lang nila, ay sinunod nila ang kautusan ni ex-PNP chief Junaz Azurin.
Di ba dapat kasama sa mga kakasuhan si Azurin kung may ebidensiya ang kampo nina Santos at Domingo na gumalaw lang sila sa utos ng amo nila? Ang sakit sa bangs nito!
Sina Medina at Peralta, mga kosa ay former directors ng PNP Drug Enforcement Group, at sa hindi naman pambobola ay marami silang accomplishments. Kaya lang, dahil isinabit sila ng Napolcom sa kaso ni Mayo, sina Medina, Peralta at 16 pang 3rd level police officials ay pinag-resign sa PNP kapag napatunayan na sangkot sila sa droga. Ganun na nga!
Sa pagka-dismiss ng DOJ ng kaso nila, puwede pa kayang bumalik sa serbisyo sina Medina at Peralta, na magkaklase sa PNPA Class ’93? E sa 2026 pa sila magreretiro kaya may panahon pa silang magserbisyo sa PNP. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan!
Ang kawawa sa kaso ni Mayo mga kosa ay sina Santos, Domingo at mga kasamahan nila. Si Domingo, sa panahon ng pagkahuli kay Mayo noong 2022, ay ang hepe ng PDEG. Kaya sunud-sunuran lang siya sa mga kautusan ni Azurin, di ba mga kosa?
‘Ika nga, kung anong senaryo ang gagawin, ayon kay Azurin, ay walang kibong sumunod si Domingo at mga kapwa akusado na halos taga-PDEG lahat. Ang sobrang kawawa rito ay si Santos.
Hamakin n’yo birthday niya noon nang makorner si Mayo at inutusan lang ni Azurin na pumunta sa lending firm at rebisahin ang kaso dahil siya ang Deputy Chief for Operations.
Dahil utos ng hepe niya, tumalima naman si Santos at hayun nahagip siya ng desisyon ng DOJ. Sanamagan!
Hindi magandang halimbawa sa PNP ang “wow mali” na kasong isinampa ng Napolcom laban kina Medina, Peralta et al dahil maraming walang malay ang nadamay. Abangan!