Babae sa France, na-scam nang malaking halaga ng pera matapos makipag-chat kay ‘Brad Pitt’!

Isang 53-anyos na babae sa France ang nawalan ng higit 830,000 euros (mahigit 50 million pesos) matapos mabiktima sa isang “romance scam” ng nagpa­kilalang Hollywood actor na si Brad Pitt.

Ayon sa kuwento, higit isang taon ang itinagal ng panlolokong ito na nagsimula noong Pebrero 2023.

Nagsimula ang lahat nang makatanggap ng message sa Instagram ang biktimang si Anne mula sa nagpapakilalang “Jane Pitt,” na ina diumano ng aktor.

Kalaunan, may nakipag-chat na sa kanya na nag­pakilalang si Brad Pitt at nagsabing naikuwento siya ng ina nito.

Dahil sa mga palitan ng mensahe araw-araw, unti-unting nahulog ang loob ni Anne sa taong nasa likod ng pekeng account.

Ginamit ng scammer ang teknolohiya ng AI upang lumikha ng mga pekeng larawan at mensahe, kabilang ang mga selfie, tula, kanta, at diumano’y kopya ng passport ng aktor.

Napaniwala ang biktima sa detalyado at makabagbag-damdaming kuwento ng “Brad Pitt,” kabilang ang diumano’y pagka-confine nito sa ospital dahil sa seryosong problema sa kidney.

Sinabi rin ng scammer na hindi nito mabayaran ang medical bills dahil sa kumplikadong kaso ng pakikipagdiborsiyo kay Angelina Jolie.

Dahil sa paniniwala ni Anne na nasa tunay na relasyon sila ng Hollywood actor, nagpadala siya ng milyun-milyong euro, kabilang ang pera na natanggap niya mula sa kanyang divorce settlement.

Napagtanto lamang ni Anne ang panloloko nang ma­kita niya ang balita tungkol kay Brad Pitt at ang relasyon nito sa tunay nitong karelasyon na si Ines de Ramon. Sa puntong iyon, ubos na ang kanyang naipon at wala nang mabawi mula sa scam.

Ayon sa ulat, dumanas ng depresyon at naospital si Anne dahil sa mental health treatment. Nakaranas siya nang matinding panlalait sa social media at sa mga programa sa telebisyon matapos maipalabas ang kanyang kuwento sa TF1 channel.

Dahil dito, inalis ng channel ang nasabing episode mula sa kanilang online platforms bilang proteksyon sa biktima.

Nagbigay din ng pahayag ang mga producer ng programa­ na ang biktima ay nagsampa ng reklamo sa mga awtoridad, ngunit hindi pa malinaw kung ano na ang estado ng kaso.

Ang insidente ay muling nagpaalala sa publiko na mag-ingat sa pakikipag-communicate sa online, lalo na sa mga hindi kilalang tao, upang maiwasan ang mga ganitong uri ng panloloko.

Show comments