HALOS dalawang milyon umano ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) ang dumalo sa tinawag nilang “peace rally” na ginanap sa iba’t ibang dako ng bansa. Kung tutuusin, ito ay pagtutol sa planong impeachment upang mapatalsik si VP Sara Duterte sa puwesto dahil sa mga usaping batid na ng lahat.
Batay sa surveys, mas nakararaming Pilipino ang pumapabor sa pag-impeach kay Sara matapos ang quad committee hearing ng Mababang Kapulungan kung saan hindi maipaliwanag ni Sara ang paggastos niya sa kuwestiyonableng confidential funds nang siya ay Education Secretary pa.
Pinagmumura pa ni Sara at binantaang papatayin sina President Bongbong Marcos Jr., First Lady Lisa Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ang ganitong asal ng isang mataas na opisyal ay hindi katanggap-tanggap sa mga Pilipino. Kaya ang nagdaang hearing ng quad comm ay isang panggising sa mga Pilipino upang makilala ang tunay na ugali ni Sara na sa tingin ko ay masahol pa sa tatay niya.
Pero si Presidente Bongbong mismo ang nagsabing pag-aaksaya ng oras ang anumang impeachment at ‘di na dapat ituloy. Kaya ang rally ay tinawag ng INC na bilang suporta sa gusto ni Marcos.
Sa tingin nang marami, naduwag si Bongbong sa pagpigil sa impeachment. Alam niya na may masamang epekto ito sa kanyang liderato. Kapag hindi nagtagumpay dahil sa rami ng supporters ni Sara sa Senado, baka siya pa ang maalis sa tungkulin.
Para sa akin, maging magulo man ang konsekwensiya, dapat pa ring ituloy ang impeachment dahil sa pag-uugali ng mga Duterte na napatunayan na natin, hindi sila dapat ilagay sa tugatog ng kapangyarihan.