1. Kung ikaw ay may diabetes, ibig sabihin ay 50 percent ng mga selula sa pancreas ay posibleng nasira na. Dahil dito, tumataas ang asukal sa dugo ng lampas sa normal na 105 mg/dl.
2. Ayon kay Dr. Augusto Litonjua, tinaguriang Ama ng Diabetes Medicine sa Pilipinas, hindi naman lahat ng pagkain ay pinagbabawal sa diabetes. Bawasan lang ang matatamis at makolesterol na pagkain.
3. Alam n’yo ba na ang pag-inom ng isang basong ice tea bawat araw ay nakapagdaragdag sa inyong timbang ng isang libra bawat linggo? Ang isang basong softdrinks naman ay may pitong kutsaritang asukal. Tubig lang ang tunay na zero calories.
4. Akala nang marami “all you can eat” ang mga prutas. Mali! Matamis at nakatataba ang mga prutas tulad ng mangga, pineapple, ubas, abokado at lychees. Hinay-hinay lang. Kung gusto ng mangga, isang pisngi lang ay sapat na sa isang kainan. Sa ubas, anim na piraso lang ang limit. Ang mga prutas na puwedeng kainin ay mansanas, peras at saging.
5. May mga pasyenteng hindi na kumakain ng kanin. Hindi ito maganda. Sa katagalan, hihina kayo at mawawalan ng sigla. Kailangan din ng katawan ang carbohydrates para sa balanseng diyeta. Ang solusyon ay ang paglimita sa dami ng pagkain. Isang platitong ulam o gulay, na may one cup rice ay okey na para sa pagkontrol ng diabetes.