ISANG babae sa Australia ang nakadiskubre ng pagtataksil ng kanyang mister gamit ang supermarket rewards program. Ayon sa kuwento mula sa isang private investigator na si Ms. Cass, kinuha siya ng kliyente upang alamin ang katotohanan sa mga hinala tungkol sa mister nito.
Ayon kay Ms. Cass, naging kahina-hinala ang madalas na pagpunta ng lalaki sa New South Wales para bisitahin nito ang kanyang mga kamag-anak, kahit hindi naman nito gawain ito noon.
Sa pag-iimbestiga ng misis sa kanilang joint bank account, nakita niyang may mga transaksiyon ang mister sa mga supermarket na Coles at hardware store na Bunnings, ngunit walang nakalagay na eksaktong lokasyon ang mga ito.
Iminungkahi ni Ms. Cass na tingnan ang kanilang Flybuys card. Ang Flybuys ay ang rewards card ng supermarket na Coles at ipinai-scan ito sa kahera sa tuwing may binibili para makaipon ng points.
Gamit ang Flybuys card, nakita sa mga previous transaction nito ang eksaktong mga lokasyon ng tindahan, na nagkataong nasa lugar kung saan nakatira ang ex-girlfriend ng kanyang mister. Dahil dito, nabisto na hindi kamag-anak ang binibisita ng mister kundi ang kanyang kabit.
Ang detective na si Ms. Cass ay kilala sa pagbibigay ng tulong sa mga kababaihan sa pamamagitan ng kanyang investigatory firm. Kasama sa kanilang serbisyo ang surveillance, background checks, at pagsisiyasat sa social media at dating apps.
Samantala, nagdulot ng usap-usapan sa social media ang kakaibang paraan ng pagkakabisto ng misis. May mga pumuri sa katalinuhan ng asawa habang ang iba naman ay pinagtawanan sa pagiging “shopping points conscious” ng mister kahit siya ay nagtataksil.
Isang netizen ang nagkomento: “Nabisto siya dahil ayaw niyang masayang ang kanyang shopping points? Ibang klase ‘yan!” Sa huli, marami ang natuwa sa tagumpay ng asawa sa paghanap ng hustisya para sa sarili.
Isa itong paalala na walang lihim na hindi nalalantad, at kung minsan, ang mga tila walang-halagang bagay tulad ng rewards program ang nagiging daan para mabuking ang katotohanan.