EDITORYAL — Kidnapping umaariba

NAKABABAHALA ang mga nangyayaring pagkid­nap sa mga negosyante at saka ipatutubos. Nag­babalik ba ang mga nangyari noon na naging talamak ang kidnap for ransom activities? Pawang mga nego­s­yanteng Chinese ang kinikidnap noon at pinatutubos nang malaking halaga. Ang masaklap, makaraang magbayad ng ransom ang pamilya ng biktima ay pina­patay pa ito. Nasawata ang sindikato ng KFR noon makaraang maaresto at mapatay ang ilan sa mga lider. Subalit ngayon, nagbabalik ang kidnapping at mismong ang Philippine National Police (PNP) ay nagsabing may mga grupo sa Maynila, Bulacan at Calabarzon ang nasa likod nito. Ang pangingidnap sa mga negosyante ay inihayag ni Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jean Fajardo noong Sabado. At sabi pa ni Fajardo, malaki raw ang posibilidad na ang gumagawa ng pangingidnap sa mga negosyante ay ilang Chinese nationals na dating nagpapatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Habang nagsasagawa ng pag-iimbestiga ang PNP sa mga nagaganap na kidnapping, naaresto naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspect na dumukot at pumatay sa isang negos­yante noong nakaraang linggo na ang bangkay ay natagpuan sa San Jose Del Monte, Bulacan. Kinilala ang negosyante na si William Pascara, Sr. 62, na nawala noong Enero 5 habang sakay ng kanyang Toyota Innova­ habang patungo sa kanyang fish farm sa  Calauan, Laguna. Nang hapon ng araw na iyon, nakatanggap ng tawag ang anak ng biktima na nagpapa-transfer ng P100,000 sa E-wallet nito. Ayon sa anak, P79,000 lamang ang naipadala nila. Inamin ng mga suspek na pinatay nila ang biktima at inilibing sa  Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte, Bulacan.

Ganito katindi ang mga kidnappers na pinapatay ang kanilang biktima kahit nakapagbigay na ng pera ang kaanak. Nararapat kumilos nang mabilis ang PNP upang mabuwag ang grupo ng KFR.

Kung totoo naman ang sinabi ni General Fajardo na luminya na sa kidnapping ang mga dating operator ng POGOs, dapat doblehin pa nila ang pagtatrabaho upang mahuli ang mga ito.

Noon pang Disyembre 31 nagtapos ang taning laban­ sa POGOs. Marami umano sa mga dating empleyado ng POGOs ang nagtayo ng panibagong online gaming­ at nakikipagsabwatan sa mga korap na government officials para maipagpatuloy ang gawain.

Huwag nang tantanan ang mga ito lalo pa’t pati ang kidnapping for ransom ay pinasok na rin. Lipulin ang mga salot!

Show comments