Election gun ban arangkada na!

NAGSIMULA na ang election gun ban noong Enero 11 na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP). Maipa­tupad sana ito nang maayos ng PNP sapagkat laganap ang karumal-dumal na krimen ngayon. Posibleng dumanak ang dugo sa panahon ng election dahil sa mga magkala­bang pulitiko. Maaring magkabarilan ang mga private army ng pulitiko.

Hindi pa kasi lubusang nakukumpiska ng PNP ang loose firearms na pag-aari ng mga pulitiko. Ito ay sa kabila na may pagsamsam na ginagawa ang PNP. Dapat paghusayin pa ni PNP chief Gen. Rommel Marbil at NBI director Jimmy Santiago ang pag-amoy sa mga armory ng mga pulitiko.

Samantala, kaugnay sa mga naglitawan nang campaign­ materials at posters sa maraming lugat sa bansa, sinabi ni Comelec chairman George Garcia, wala pang nilalabag ang mga pulitiko. Bakit kaya wala?

Sa ngayon, naglalakihang posters at tarpaulin ng mga kandidato ang nakasabit o nakadikit sa mga pampublikong lugar. May nakadikit sa pader ng mga eskuwelahan, waiting shed, footbridges, poste ng kuryente at pati mga punong­kahoy.

Hindi pa panahon ng kampanya pero marami nang kan­didato ang nakabalandra ang mukha sa mga gilid ng kal­sada. Ang karamihan ay bumabati ng “Merry Christmas­ and Happy New Year” pero halatang paraan iyon para ipa­­alala ang kanilang pangalan at mukha sa mga botante. Kaya lang unfair naman ito sa iba pang kandidato.

Samantala, maganda at nagkaroon ng balasahan sa PNP. Inilipat ang maraming opisyal ng PNP upang hindi maimpluwensiyahan ang kanilang mga kamag-anak na tatakbo sa May election. Maganda ang ginawang ito.

Nagpasiklab naman agad si bagong upong Central Luzon director BGen. Jean Fajardo nang makasamsam ng 15 baril sa Bataan, Pampanga, Nueva Ecija at Zambalez.

Nagpapatunay lamang ito na maraming baril ang nakatago at gagamitin sa election o sa paggawa ng kabuktutan. Dahil maraming baril, tiyak na tataas ang krimen.

Nararapat na paigtingin pa ng PNP ang paglalatag ng check point sa maraming sulok ng bansa upang malambat ang mga taong may dalang baril.

Sa panahong ito na malapit na ang election, gumagala ang gun for hire at ganundin ang sindikato ng droga.

Show comments