EDITORYAL — Baklasin lahat campaign materials ng kandidato
NOONG Disyembre 12, 2024, nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa local government units (LGUs) na baklasin ang mga nakakabit na election materials sa mga pampublikong istruktura gaya ng pader, waiting shed, footbridge at iba pa. Hiningi ng Comelec ang tulong ng LGUs upang matanggal ang campaign materials sapagkat lantaran na ang ginagawang paglabag ng mga kandidato. Sabi pa ng Comelec, hindi pa panahon ng kampanya kaya dapat sumunod ang mga kandidato sa itinatadhana ng batas.
Inisyu ng Comelec ang Resolution No. 11086 na naglalaman ng mga probisyon kaugnay sa fair election practices. May mga inilabas ding bagong item sa political campaigns. Nakasaad sa resolusyon na bago magsimula ang campaign period, inaatasan na alisin lahat nang ipinagbabawal na uri ng propaganda kabilang ang mga pangalan, imahe, logo, brand, insignias, initials at graphical representations sa mga pampublikong istruktura at lugar.
Subalit ang panawagan ng Comelec ay binabalewala ng mga kandidato sapagkat lalo pang namutiktik sa election materials ang mga publikong lugar. Maski ang mga poste ng kuryente at punongkahoy ay hindi na pinatawad—kinabitan at pinakuan ng streamers at tarpaulins ng kandidato.
Nakawagayway ang streamers na may mukha ng kandidato. Mayroong bumabati ng Happy New Year 2025 at iba pang mensahe na malinaw namang bahagi ng kanilang maagang pangangampanya. Bukod sa mga nakakabit sa poste at puno, marami ring nakasabit sa cable wire. May mga tarpaulin na nakatali at may pabigat na bato sa mga kawad ng kuryente. Delikado ito sapagkat posibleng bumagsak at may tamaan na motorista o pedestrians. Maaaring sumabit din sa kawad na may tarpaulin ang mga nagmomotorsiklo dahil nakalaylay ang mga ito dahil sa bigat.
Sa panawagan ng Comelec na tumulong ang LGUs sa pagbaklas sa campaign election materials, tanging ang Quezon City pa lamang ang tumalima.
Noong Biyernes, nagsagawa nang malawakang pagbabaklas ang QC government sa mga nakadikit na election at advertising materials sa mga lugar na ipinagbabawal. Nagkaroon ng “Oplan Baklas” sa mga pangunahing kalsada gaya ng C.P. Garcia, Katipunan Avenue, Xavierville, East Avenue, Tomas Morato, Kamuning, Timog, Anonas at E. Rodriguez. Nagpaalala ang QC government sa publiko na ang pagkakabit ng election materials sa mga poste ng kuryente, street signs, traffic lights, tulay at overpasses ay mahigpit na ipinagbabawal. Maaring tumawag sa Helpline 122 at ireport ang mga magkakabit ng election materials.
Gawin din ng iba pang LGUs ang pagbabaklas sa campaign materials ng mga kandidato. Maging parehas naman ang mga kandidato. Sumunod sa batas at magpakita ng halimbawa.
- Latest