Mga Pinoy na dubious ang character, ilayo kay BBM!

FLASH report: Nagkagulo ang tabakuhan sa Metro Manila dahil nagpadagdag ng weekly payola ang mga tong collector ng Bicutan. Itong galaw ng mga tong collector ay hindi naman angkop sa Able, Active and Allied program ni NCRPO chief Brig. Gen. Anthony Aberin. May sumasa­botahe sa am­bition ni Aberin na maging PNP chief?

• • • • • •

Kampante si President Bongbong Marcos sa seguridad na inilatag ng Presidential Security Group (PSG) sa kanya at kanyang pamilya. Kaya lang, parang may kulang.

Sinabi ng mga kosa ko na hindi lang dapat i-secure ni PSG commander Maj. Gen. Nelson Morales si BBM at pamilya laban sa terorista, drug syndicates at iba pang threat groups, kundi maging sa mga negosyante o kilalang tao na may dubious characters. Mismooo!

Kasi nga, kapag nakalusot at nakalapit itong may dubious characters kay BBM, kalimitan nagpapakuha ng selfie na hindi maganda ang kahihinatnan sa imahe ng presidente. Kasi itong pics, kalimitan ay ikinakalat o di kaya’y pino-post sa social media.

Sa sitwasyong ito, ang interes ng may dubious cha­racter ang isinusulong n’ya subalit kalimitan nagdulot ito ng masamang imahe kay BBM. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Para sa kaalaman ni Morales, kalimitan nakalulusot itong mga may dubious characters sa mga provincial sortie ni BBM. Ibinigay ng mga kosa ko ang ehemplo noong bumisita si BBM sa Davao del Norte noong Disyembre 5 kung saan nagbigay siya ng ayuda sa mga magsasaka, mangingisda at pinulong ang mga pulitiko doon.

Maganda na sana ang resulta ng lakad ni BBM. Kaya lang, nabigyan ito ng pagdududa at nagdulot ng masamang tsismis dahil sa presensiya ng isang alyas Noe, na inimbes­­tigahan ng House quadcom sa kasong POGO at human smuggling. Araguyyy!

Ayon sa mga kosa ko, “strictly for incumbent officials” ang okasyon subalit nakasingit si alyas Noe, na presidente ng isang cargo company. Tsk tsk tsk! Ang sakit sa bangs nito!

Sa pananaliksik ng mga kosa ko, isang abogado sa opisina ni SAP Anton Lagdameo ang bumitbit kay Noe para makapasok sa pagpupulong. Eh di wow!

Sa ganitong okasyon kasi, may special rules na pinapairal para hindi mapasok ng hindi imbitado ang okasyon kaya lang kung may puwesto sa Palasyo ang nag-insist baka nagpikit-mata na lang ang PSG? Sanamagan!

Mukhang humina ang cordon sanitaire ni BBM ah? Ang masama lang n’yan, ang ibang imbitado sa okasyon na nakakilala kay Noe ay iba ang iniisip at hindi ito pabor sa imahe ni BBM, di ba mga kosa? Dipugaaa!

May sumasabotahe kaya kay BBM? Sa sitwasyon sa ngayon na kaliwa’t kanan ang batikos na tinatanggap ni BBM, hindi maganda na ang mga nakikisalamuha niya ay may bahid ng kontrobersiya tulad ng corruption, di ba mga kosa? Mismooo!

Dahil nga sangkot sa POGO, hindi nalalayo na si Noe ay sanggang dikit ng pamilya ni Tatay Digong dahil sa termino niya nagsimula ang POGO, ayon sa mga kosa ko. Kilala kaya ni Sen. Bato de la Rosa, na disipulo ni Tatay Digong si Noe? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Malalaman din ni Morales ang puno’t dulo ng isyung ito. Abangan!

Show comments