Balikbayan:  Hanggang kailan?

Malawak ang kahulugan ng salitang “Balikbayan” bagaman sa pangkalahatan ay karaniwang patungkol ito sa mga Pilipinong umuuwi sa Pilipinas pagkaraan ng maikli o mahabang panahong paninirahan sa ibang bansa. Maaaring sila iyong mga Pilipino na naging permanente nang residente o nag-aral nang maraming taon o nagbakasyon nang matagal sa iba-yong-dagat. Mas palasak iyong sa tinatawag na mga overseas Filipino worker na pagkatapos ng kanilang kontrata sa trabaho sa dayuhang lupain ay kailangan nang bumalik sa Pilipinas. May mga OFW naman na kusa, puwersahan o napilitang umuwi sa Pilipinas sa iba’t ibang kadahilanan. Marami ring mga OFW na pagkaraan ng matagal na pagtatrabaho sa mga dayuhan ay nagpasyang maging residente at mag-apply ng citizenship sa dinayo nilang lupain na nagpalabo sa tsansa ng pagbalik nila nang tuluyan sa Pilipinas. Ang iba naman ay nagkaasawa ng dayuhan sa kinalalagyan nilang bansa na dahilan para roon na sila manatili habambuhay.

Maging ang pamahalaan ng Pilipinas ay matagal nang ginagamit ang salitang “Balikbayan” sa mga programa nitong nagtataguyod o humihikayat o nagbibigay ng insentibo sa mga Pilipino sa ibang bansa para bumalik sa Pilipinas. May mga kaukulang pagkilos naman ang pamahalaan, sa ilalim man ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon, para mahikayat ang mga Pilipino sa ibang bansa na magbalikbayan pero hindi sapat at tila nawawalan ito ng saysay. May mga Pilipino na umuuwi man ay pansamantala lang at bumabalik din sa pinagmulan nilang dayuhang bansa.  Hindi madaling makumbinsi ang nakakaraming mga OFW na tuluyan nang bumalik sa Pilipinas o iyong sa tinatawag na mag-“for good na!”  Nananatili pa rin kasi ang mga nangingibabaw na kalagayan sa Pilipinas na naging pangunahing dahilan kung bakit sila nangibang-bansa tulad ng kakulangan o kawalan ng trabaho, napakaliit na sahod, kawalan ng tamang oportunidad,  at  walang asenso. Isa rin itong negatibong sitwasyon na pinangangambahan ng mga OFW na tumanda na sa pagtatrabaho sa ibang bansa dahil sa kawalan ng kasiguruhan sa magiging kinabukasan nila kung sakaling bumalik na sila at permanente nang manatili sa Pilipinas. Ang masakit, habang patuloy na tumatanggi ang maraming Pinoy sa ibang bansa na umuwi nang tuluyan, patuloy na nadaragdagan taon-taon ang daan-daang libong Pilipino na lumalabas ng Pilipinas para maghanap ng magandang kapalaran sa ibang bansa. Sa katunayan, kapag nagkakaroon ng mga kaguluhan sa ibang mga bansa tulad ng mga giyera o civil unrest, kailangan pang kumbinsihin o pilitin ang naroong mga Pilipino na umuwi sa Pilipinas kung meron man sa kanila na makukumbinsing umuwi. Marami ang nagmamatigas na manatili sa kinaroroonan nilang bansa. Kahit nga sa kasagsagan ng pandemya ng coronavirus disease 2019 noong 2020 na maraming negosyo at kabuhayan ang bumagsak sa buong mundo, marami man ang nagbalikbayan ay mas nakakarami ang mga OFW na nanatili sa ibang bansa kahit bigyan ng oportunidad na makauwi sa Pilipinas.

Sa kaso ng mga Pilipinong nagbago ng citizenship at naging mamamayan o permanenteng residente sa ibang bansa, naging mas kumplikado at mahirap ang pagkumbinsi sa kanila na bumalik sa Pilipinas lalo na kung naging maganda, matatag at  maayos ang buhay nila at nagkaroon na sila ng sarili nilang pamilya roon o isinama na nila roon ang pamilya nila mula sa Pilipinas. Doon na sila nagkaroon ng asawa, mga anak, apo hanggang sa tumanda na sila at magretiro at mamatay. Daan-daang libo nang Pilipino ang isinilang at lumaki sa ibang bansa tulad sa United States, Canada, United Kingdom, Europe, South Korea, New Zealand, Australia, at maging sa Middle East. Karaniwan nang maririnig ang mga tinatawag na Filipino-American, Filipino-Canadian, Filipino-British, Filipino-Japanese at ibang mga Pinoy na nasalinan na ng ibang lahi.

May mga sitwasyon din sa Pilipinas na lalong nagbibigay ng  dahilan para tumangging magbalikbayan ang mga Pilipinong nasa ibayong-dagat. Nariyan halimbawa ang mga krimen, usapin ng seguridad, kawalan ng kaayusan sa trapiko at transportasyon at maging pulitika. Hindi na bago at tila naging karaniwan na lang iyong mga kaso ng mga Pilipino na sa pag-uwi nila sa Pilipinas ay nananakawan ng kanilang mahahalagang kagamitan o ari-arian  pagdating sa airport dito o na-holdap sa taxi. May isa ngang Filipino-American na nagtangkang bumili ng bahay at lote rito sa Pilipinas pero niloko siya ng kausap niyang  lokal na real estate agency dahil nakabayad na siya bago sinabi sa kanya na bawal siyang bumili ng ari-arian dahil isa siyang American citizen.  Tumagal ng maraming buwan ng paghahabol bago niya nabawi ang ibinayad niyang pera.

Maraming OFW na hinahayaang ma-“renew” ang kanilang kontrata o nagpapalit ng trabaho sa ibang bansa sa halip na umuwi  sa maraming kadahilanan na maaaring wala pang sapat na ipon o wala pang naipupundar para sa maayos na buhay nila pagbalik sa Pilipinas o meron pa silang pinag-aaral o binubuhay dito. Tumatagal sila nang tumatagal na inaabot ng lima, 10, 20 taon o mahigit pa sa ibang bansa.   Kung umuuwi man sila, iyon ay para magbakasyon at makasama ang kanilang pamilya kahit sa loob lang ng ilang linggo o buwan depende sa pahintulot ng kanilang trabaho.  Maaari ring dahilan ang birthday, kapaskuhan, graduation sa eskuwelahan o kasal ng mahal sa buhay, reunion, o merong namatay na miyembro ng pamilya. Walang katiyakan kung kailan sila magbabalikbayan nang permanente.

* * * * * * * * * * *  *

Email –rmb2012x@gmail.com

Show comments