Nakaamba ang pagtaas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT) sa Marso. Kamakalawa nag-abiso na ang Maynilad at Manila Water na magtataas din sila ng rate sa singil ng tubig. Sabi ng Meralco, tataas ang singil sa kuryente sa susunod na buwan. Halos linggu-linggo naman ang pagtataas ng gasoline, diesel at kerosene. Sa Martes, magtataas muli ang presyo ng petrolyo. Tumataas din naman ang presyo ng bigas na naglalaro ngayon sa P55 hanggang P65 per kilo.
Eksakto naman ang pagtataas ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) na ipatutupad ngayong Enero. Magtataas ng 15 percent ang kontribusyon. Maraming nakikiusap sa SSS na huwag munang ipatupad ang pagtataas ng kontribusyon sapagkat kaawa-awa naman ang mga empleyado na kakaltasan. Halos wala nang matitira sa kanilang karampot na suweldo. At masakit pa nga, sumabay ang pagtataas ng SSS contributions sa pagtaas ng iba pang bayarin.
Pero sabi ng SSS, tuloy ang implementasyon ng pagtataas ng kontribusyon ngayong Enero. Hindi na umano maipagpapaliban ang pagtataas sapagkat nakasaad ito sa Republic Act 11199 na inaprubahan noong 2019. Unang ipinatupad ang pagtataas ng 14 percent contributions noong 2019 at ang ikalawang pagtataas ay ngayong 2025 na 15 percent.
Ipinaliwanag ni SSS President at Chief Executive Officer (CEO) Robert Joseph M. de Claro na kapag hindi naipatupad ang paniningil ng dagdag kontribusyon, ang mahihirapan din ay ang mga miyembro. Hindi umano matatamasa ng mga miyembro ang mga benepisyong dapat nilang matanggap. Sa pagdaragdag ng kontribusyon, malaki ang magiging pakinabang ng mga miyembro kapag nagretiro. Ayon pa kay De Claro, nauunawaan niya ang sintemyento ng ilang grupo subalit kailangan aniyang maipatupad ang nakasaad sa batas.
Wala nang makapipigil sa pagtataas ng SSS contributions at maski si President Marcos Jr. ay ayaw pakialaman ang isyung ito. Kung ganun, walang saysay ang mga panawagan at pakiusap na suspendihin muna ang pagtataas ngayong buwan. Walang makikinig sapagkat ayon na rin sa SSS, nakasaad ito sa RA 11199. Dapat ipatupad upang masustentuhan ang pangangailangan ng mga miyembro.
Pero hindi ba puwedeng kasabay sa pagkolekta ng 15 percent contributions ay atupagin din naman ng SSS ang pagkolekta sa mga delinkuwentang employers? Ayon sa Commission on Audit (COA), mayroong mahigit na 420,000 na delinquent employers na hindi nagbabayad ng SSS contributions. Ayon pa rin sa COA, as of 2021, nasa P84 bilyon ang loans na hindi nakukolekta ng SSS. Hindi ba magagawa ng SSS na kolektahin nang agaran ang mga utang na ito para lalong makinabang ang mga miyembro?