Iyan ang mayroon tayo sa Pilipinas. Demolition politics. Kapag malakas sa survey ang kandidato, makatitiyak ka na ang kalaban ay iisip ng mga isyu upang siraan ang reputasyon nito sa taumbayan. Pagkakagastusan ng salapi para bumagsak ang reputasyon. Ganyan katindi ang demolition politics sa atin.
Totoo man o imbento ang akusasyon, very spurious ang intensyon. Tulad ng ibinabatong isyu laban kay Erwin Tulfo na naging US citizen siya sa pamamagitan ng paggamit ng identity ng ibang tao.
Sa totoo lang, talagang ito ay mali ngunit maraming Pilipino ang natupad ang pangarap na maging US citizen sa pamemeke ng dokumento. Maaaring lahat tayo ay may mga kaanak na ganyan ang situwasyon.
Okay, mali na kung mali. Sa kaso ni Tulfo ang kuwestyonable ay ang motibo. Obviously, ito ay sa layuning gibain ang kanyang kredibilidad dahil matayog ang rating sa survey kasama ang mga utol niya na sina Sen. Raffy Tulfo at hard-hitting media man na si Ben Tulfo.
Kung kulelat kaya sa survey si Erwin, magkakagastos ba ng pera at pagod ang sino mang sektor na gusto siyang ibagsak? Ako ay tutol din sa dynasty. Pero sa usaping ito, ang pinupuna natin ay ang pangit na sistema ng politika na kailangang manira ng iba para magtamo ng political advantage.
Iyan ang dahilan kung bakit naipupuwesto sa pamamahala ang mga taong sa dakong huli ay isinusumpa natin. Wala akong tutol sa paglalantad sa baho ng mga politiko basta’t totoo at may pinanghahawakang katibayan. Batayan iyan ng taumbayan sa pagpili ng matinong leader.
Ngunit dapat gawin ito sa tamang panahon at hindi timing na timing sa eleksyon porke halatang ito ay isang political demolition.