LALAKI, NILAPA NG LEON MATAPOS PUMASOK SA KULUNGAN NITO PARA MAGPASIKAT SA GIRLFRIEND!
ISANG trahedya ang naganap sa isang pribadong zoo sa Parkent, Uzbekistan, kung saan namatay ang isang 44-anyos na zookeeper matapos atakihin ng mga leon.
Ang insidente ay naganap noong madaling araw ng Disyembre 17, 2024 habang ang biktima, na kinilalang si F. Iriskulov, ay nasa kalagitnaan ng kanyang night shift.
Ayon sa mga ulat, pumasok si Iriskulov sa kulungan ng tatlong leon upang magrekord ng video na balak niyang ipakita sa kanyang fiancé.
Sa video, makikita siyang tila kampante habang kinakausap ang mga leon at tinatawag pa ang isa sa mga ito sa pangalang “Simba.”
Sa simula, mukhang kalmado ang mga hayop, ngunit mabilis na nagbago ang sitwasyon nang isa sa mga leon ang bigla siyang sugurin.
Hindi nagtagal, nagtapos ang video sa mga nakakakilabot na sigaw ni Iriskulov habang siya’y nilalapa ng mga ito. Kalaunan, natagpuan ang katawan nito habang kinakain ng mga leon.
Isang leon ang kinailangang barilin ng mga rescuer habang ang dalawa pa ay ginamitan ng pampakalma upang maibalik sa kulungan.
Ayon sa pahayag ng pulisya, “Ang tatlong leon ay nakatakas mula sa kanilang kulungan at umatake sa zookeeper. Sa kabila ng pagsisikap na sagipin siya, binawian siya ng buhay dahil sa matinding pinsala.”
Gayunman, ang mga ulat mula sa lokal na media ay nagsasabing kusang binuksan ni Iriskulov ang kulungan bilang bahagi ng kanyang plano na mapahanga ang fiancé.
Sa kasalukuyan, nag-iimbestiga ngayon ang mga awtoridad sa detalye ng insidente at kung sapat ba ang safety measures ng nasabing zoo.
- Latest