Konsehal sa Brazil, binatikos matapos iuwi ang inidoro sa kanyang opisina!
Isang dating konsehal sa São Paulo, Brazil, ang umani ng kontrobersiya matapos iuwi ang inidoro sa kanyang opisina matapos matalo sa eleksiyon!
Si Janaína Lima, na nagsilbing konsehal sa loob ng walong taon, ay tinapos kanyang termino sa kakaibang paraan na ikinagulat nang marami.
Sa isang nag-viral na video online, mapapanood sa isang CCTV footage ang pagtanggal ng mga inidoro at lababo ng kanyang tauhan.
Ayon kay Lima, personal niyang pinondohan ang paglalagay ng mga naturang pasilidad at hindi ito pag-aari ng lungsod.
Dahil dito, pinili niyang alisin ang mga ito bilang pagsunod umano sa payo ng legal department ng konseho.
Paliwanag ni Lima, sensitibo ang sistema ng plumbing sa gusali kaya kinailangan niyang alisin ang mga pasilidad. Ibinahagi rin niya na ang ibang gamit, tulad ng glass partition at mga ilaw, ay iiwan para sa kanyang kahalili.
Naging kahalili ni Lima ang bagong halal na konsehal na si Adrilles Jorge. Sa kanyang panunumpa, pabirong sinabi ni Jorge na pansamantala silang gagamit ng pampublikong palikuran dahil halos wala nang natira sa opisina. Ani Jorge, “Kahit lababo at inidoro, kinuha na. Wala man lang abiso.”
Nagbigay naman ng pahayag si Ricardo Teixeira, bagong halal na pangulo ng konseho, na magsasagawa sila ng kaukulang hakbang ukol sa insidente. Patuloy itong pinag-uusapan ng publiko at nakatawag-pansin sa pulitika ng São Paulo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Lima sa kontrobersiya na may kinalaman sa palikuran.
Noong 2021, siya ay naging laman ng balita matapos makipag-away sa kapwa konsehal na si Cris Monteiro sa loob ng CR ng konseho. Nauwi ito sa pansamantalang suspensiyon ng dalawa. Ang naturang insidente ay nagbunga ng negatibong imahe sa kanyang karera bilang pulitiko.
Sa kabila ng mga kontrobersiyang ito, nanindigan si Lima na tama ang kanyang mga naging desisyon.
Ayon sa kanya, “Tungkulin kong ibalik ang opisina sa dating kondisyon nito at siguraduhing nananatili ang lahat ng ari-arian na rehistrado bilang pampubliko.”
Ang kakaibang kuwentong ito ay nagsilbing paalala na kahit ang pinakamaliit na bagay, tulad ng toilet, ay maaaring magdulot nang malaking usapin sa mundo ng pulitika.
- Latest