CEZA hindi sakop ng POGO ban?

NANINDIGAN ang Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) na hindi ito sakop sa Philippine Offshore Gaming­ Operators (POGO) ban ni Pres. Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay CEZA Administrator Katrina Ponce Enrile, ang licensees, kasama ang iGaming at interactive gaming support service providers ay iba sa PAGCOR-licensed POGOs.

Bagamat nakikiisa umano ang CEZA sa POGO ban upang mapuksa ang kriminalidad, iginiit ni Enrile na ka­ilanman ay hindi nagkaroon ng POGO sa CEZA.

Wala rin ni isang krimen gaya ng kidnapping, human traf­ficking, torture, scams at patayan na naiugnay sa licen­sees sa mahigit 20 taong pamamahala sa mga ito sa Sta. Ana, Cagayan.

Ang CEZA na nasa 54,000 ektaryang lupain, ay itinayo noong 1995 sa ilalim ng Republic Act No. 7922 na iniakda ni dating Sen. Juan Ponce Enrile.

Binigyang kapangyarihan ang CEZA na maglisensiya ng iba’t ibang palaro, kaya naging kauna-unahan itong inter­active gaming jurisdiction sa Asya.

Nag-adopt ito ng master licensor model at ginawaran ng master license ang First Cagayan Leisure and Resort Corp. noong 2003.

Ayon sa CEZA, ang iGaming licensees ay mga dayuhang kumpanya kung saan ipinagbawal ang paglikom ng taya mula sa loob ng bansa at iba pang bansang ipinagbabawal ang sugal, na kaiba sa mga POGO.

Nang kumalat ang POGO na ipanukala ng PAGCOR­ noong 2013, naglipatan diumano ang mga licensees at inter­active gaming support service providers, dahilan ng pag­bagsak sa 30 mula sa 300 interactive gaming support service providers and IG licensees sa CEZA.

Taas-noong ibinabandera ng CEZA na maayos nitong pinamahalaan ang iGaming at interactive gaming support service providers model nito, gaya ng pagkontrol sa working via issuance at pagpasok ng mga tao sa Cagayan Special Economic Zone and Freeport.

Na-control ang bilang ng Pinoy at dayuhang empleyado, bukod pa sa pag-prioritize sa mga Pinoy (70 percent) kumpara sa dayuhan (30 percent) bilang mamamasukan.

Kung ikukumpara, umalagwa at nabahiran nang napakaraming dungis ang POGO sa ilalim ng PAGCOR hanggang kamuhian ng sambayanang Pilipino.

Malapit ang mga Enrile kay PBBM. Magbabago kaya ang posisyon ni PBBM ukol sa POGO ban na una nang inuutos din sa CEZA?

* * *

Para sa reaksiyon at komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments