NASA sentro ng iskandalo si Liu Liange, dating Chairman ng Bank of China, matapos mahatulan ng parusang kamatayan na may dalawang taong reprieve dahil sa pagtanggap ng suhol na umabot sa 121 million yuan (P943 million) at ilegal na pagpapautang ng higit sa 3.32 billion yuan (P25.8 billion).
Bukod sa mga kasong ito, pumutok din ang mga kontrobersiya kaugnay ng kanyang personal na buhay, lalo na ang pag-agaw niya sa fiancé ng kanyang anak.
Si Liu, 63-anyos, ay unang sumikat sa mundo ng pananalapi dahil sa kanyang mabilis na pag-angat sa posisyon. Siya ang naging pinakabatang chairman sa “Big Four” state-owned banks sa China noong 2019.
Ngunit kasabay ng tagumpay ay ang usap-usapan tungkol sa kanyang pagiging babaero kung saan sunud-sunod ang pagpapalit niya ng asawa at mga naiulat na kaugnayan sa mas nakababatang kababaihan.
Isa sa mga pinakamainit na usapin ang panghihimasok ni Liu sa relasyon ng kanyang anak. Ayon sa mga ulat, matapos makilala ang fiancé ng kanyang anak, gumawa siya ng paraan na paghiwalayin ang mga ito.
Ilang buwan matapos niyang sirain ang relasyon ng mga ito, naging ikaapat na asawa ni Liu ang dating fiancé ng kanyang anak. Ang pangyayaring ito ay nagdulot nang matinding depression sa kanyang anak, na kalaunan ay kinailangang maospital dahil sa sama ng loob.
Ang lahat ng kanyang katiwalian ay nauwi sa pagbagsak ng kanyang karera noong 2022, nang siya ay sibakin bilang Party Secretary ng Bank of China at tanggalin mula sa Communist Party.
Sinundan ito ng pagsampa ng mga kaso ng korapsyon laban sa kanya. Noong Nobyembre 2024, pormal siyang nahatulan ng parusang kamatayan, ngunit hindi agad ipatutupad dahil sa kanyang pagtulong sa imbestigasyon at pagbabalik ng karamihan sa mga ninakaw na pondo.
Ang kuwento ni Liu ay nagdulot nang malaking ingay sa Chinese netizens at naging paksa ng diskusyon sa China. Marami ang tumutukoy sa kanya bilang modernong bersiyon ni Emperor Xuanzong ng Tang Dynasty, na kilala rin sa pagkahumaling sa asawa ng kanyang anak.
Dahil sa mga kontrobersiyang ito, naging simbolo si Liu nang matinding ambisyon, pagsasamantala sa kapangyarihan, at personal na eskandalo na tila nagpapaalala sa publiko sa kahalagahan ng integridad, lalo na sa mga taong nasa mataas na posisyon.