May pitong taon nang umiiral iyong ba-tas na nagtatakda ng 10 taong validity sa Philippine passport. Malaking kaluwagan ito sa mga Pilipinong madalas o paminsan-minsang lumalabas sa Pilipinas o sa mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan pansamantala sa ibang bansa tulad ng mga overseas Filipino worker. Lubha kasing maiksi ang dating limang taong validity ng passport lalo na kung maabala ang pagpapa-‘renew” nito at sa kaabalahan ng marami sa pagdaan ng mga taon, hindi na nila namamalayan na paso na pala o malapit nang mapaso ang kanilang passport.
Pero sapat na bang meron kang passport na valid nang 10 taon? Dapat na bang maging kampante sa ganitong haba ng panahong itatagal ng validity ng passport? Malaya ka nang makakabiyahe papunta sa ibang bansa? Mabilis din matapos ang 10 taon.
Sa isang artikulo ni Caroline Bologna sa Huffpost, pinapaalala ng tagapagsalita ng flight service alert na Going, na si Katy Nastro na hindi sapat na meron kang valid passport. Dapat mo ring inaalam ang mga patakaran ng pupuntahan mong bansa sa hinihingi nitong validity period ng bawat passport ng bibisitang dayuhan. Mahalaga anyang maging pamilyar ang bawat biyahero sa mga patakarang ito dahil bawat bansa sa mundo ay may kanya-kanyang takdang kapanahunan o timeline sa passport validity.
“Para sa maraming tao, hindi ito isyu dahil merong 10 taon ang kanilang passport,” puna ni Nastro. “Kapag naisip mo halimbawa na nga-yong taon ding ito mag-e-expire ang passport mo, kakailanganin mong maghabol halimbawa sa six-month clock depende sa bansang pupuntahan mo. Kailangan mong dumaan sa renewal process sa lalong madaling panahon.” Inirekomenda niya na i-“renew” mo na ang passport isang taon bago ito mapaso para mas maaga itong maasikaso.
Karaniwan, dapat meron pang natitirang tatlo o anim na buwan sa validity ng passport mula sa petsa ng pagpunta mo sa isang dayuhang bansa. Halimbawa, kung pupunta ka sa isang dayuhang bansa sa buwan ng Hulyo, kailangang valid ang passport hanggang buwan ng Enero, ayon kay Nastro. Merong mga airline na hindi ka pasasakayin sa eroplano kung wala kang ganitong mahalagang timeline sa iyong passport.
“May mga bansa na tatlong buwan ang hinihinging validity habang ang iba ay anim na buwan,” sabi naman sa Ingles ni David Alwadish, founder at CEO ng passport and visa concierge service ItsEasy.com. “Sa mga bansang kailangan ang visa at nagbibigay ng multiyear paper visa, maaaring hingin nila ang one year o mahigit pa sa isang taon na validity ng passport.”
Idiniin ni Alwadish na mahalaga sa mga biyahero na alamin mabuti ang mga rekisitos o regulasyon sa validity ng passport sa mga dadayuhing bansa.
Pinuna nina Nastro at Alwadish na maraming tao ang wala gaanong kamalayan sa three or six month validity passport rule lalo na sa mga hindi madalas mangibang-bansa o hindi pa nagkakaproblema sa ganitong patakaran. Hindi magkakapareho ang mga patakaran ng mga bansa sa mundo sa validity period kaya nagkakaroon ng maling akala ang maraming biyahero bukod sa madalas na hindi naman lubhang naipapamalita ang mga ganitong patakaran.
Ipinaliwanag ni Alwadish na ipinapatupad ng maraming bansa ang naturang mga patakaran para merong mga ekstrang oras o araw sakaling mapatagal ang pananatili ng mga dayuhang bumibisita sa kanilang teritoryo. Isang halimbawa iyong naantala ang pag-uwi ng dayuhan sa pinagmulan niyang bansa o nagkasakit siya o naaksidente o nagkaproblema na dahilan para magtagal pa siya sa isang dayuhang bansa.
“Isa itong pangunahing pag-iingat,” paliwanag ni Nastro. “Halimbawa nagkasakit ka o naaksidente at kailangan mo pang manatili nang mas matagal pa sa takdang araw ng pag-alis mo rito, baka magkaroon ng maraming problema kapag lalabas ka na sa bansang ito.” Ayon naman kay Alwadish, tinitiyak sa naturang patakaran na me-ron pang valid document ang bisitang dayuhan sa buong pananatili niya sa isang dayuhang bansa.
Idiniin nila na pagdating sa passport at ibang travel document, mahalaga ang maagang pagpaplano. “Kung may mga bansang nagpapatupad ng magkakaparehong patakaran sa lahat ng dayuhan, merong iba ang patakaran depende sa lahi o visa agreement ng bisita,” sabi ni Alwadish. “Mahalaga sa mga bumibiyahe na alamin ang entry requirements ng destinasyon nilang bansa para maintindihan ang anumang mga pagbabago batay sa nationality.”
Inirekomenda niya halimbawa ang pagrepaso sa website ng embahada o konsulado ng Pilipinas para sa bansang pupuntahan mo. Kalimitang meron itong detalye hinggil sa entry requirements para sa mga bisitang dayuhan. Maaaring konsultahin ang travel advisories ng immigration department ng dadayuhing bansa.
Kapag nakuha na ang kailangang impormasyon, ikumpara ang expiration date ng iyong passport sa mga petsa ng pagpunta mo sa ibang bansa. Sa pagsusuri sa patakaran ng bibisitahing bansa sa validity ng passport, simulan sa araw ng iyong pagbalik sa Pilipinas at idagdag ang bilang ng mga buwan na kailangan sa validity. “Kadalasang ang patakaran ay tatlo hanggang anim na buwan mula sa araw ng iyong pag-uwi, hindi mula sa araw ng pag-alis mo sa pinagmulan mong bansa,” dagdag ni Alwadish.
Alamin din ang mga patakaran ng sasakyang eroplano lalo na kung meron ka na lang apat o limang buwang validity pagkatapos ng petsa ng iyong pag-uwi.
“Kung wala kang six months validity mula sa petsa ng iyong pag-uwi, merong karapatan ang airline na huwag kang pasakayin sa eroplano, tama man sila o mali,” babala ni Alwadish. Maaga pa lang ay ipaalam na ito sa airline para alam na nila bago ka dumating sa airport.
* * * * * * * * * *
Email- rmb2012x@gmail.com