Bayaning pulis sa Zamboanga

Karapat-dapat na parangalan ang pulis na si SMSG Ryan Mariano ng Zamboanga Police Station matapos harap-harapang nakipagbarilan sa dalawang criminal sa naturang lungsod. Kitang-kita sa CCTV ang pakikipagbarilan nito sa mga criminal. Tinamaan niya ang mga ito at isa ang napatay.

Hindi matatawaran ang katapangan ni Mariano sa pag­harap sa mga pusakal. Dahil sa ginawa niyang kabaya­nihan­, umangat kahit paano ang image ng Philippine Na­tional Police­ (PNP) sa sambayanan. Itinaya niya ang sari­ling­ buhay upang matuldukan ang mga criminal.

Ayon kay Col. Kimberly Molitas, Acting City Director ng Zamboanga Police Office kabilang si Mariano sa mga pulis na ipinakalat upang manmanan ang mga criminal sa Zam­boanga City at upang maprotektahan ang mamamayan doon sa panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay Molitas, si Mariano ay isa sa shooters ng kapulisan ng Zamboanga kaya nang puntiryahin ang mga kriminal ay siguradong babagsak. Iyan ang karapat-dapat na pulis sa ating bayan dahil may angking tapang at handang itaya ang buhay matupad lamang ang sinumpaang tungkulin.

Nitong nagdaang mga araw bago sumapit ang bagong taon, may mga pulis na nasangkot sa patayan at pag-chop-chop sa kapwa pulis sa loob mismo ng National Ca­pital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Bago pa rin sumapit ang New Year, isang pulis naman na bangag sa droga ang nakapatay ng isang pasahero sa loob ng bus.

Sa ginawang kabayanihan ng pulis na si Mariano, na­bago ang pananaw ng madla. Ang ipinakitang gilas ni Mariano ay magdulot nawa ng karagdagang pagkilala sa PNP. Gayahin sana siya ng iba pang pulis.

Tinatawagan ko ng pansin si PNP chief Gen. Rommel­ Marbil na bigyan nang pinakamataas na karangalan si Ma­riano. Karapat-dapat siyang tumanggap ng pagkilala dahil sa ginawa niyang pagharap sa mga pusakal na criminal.

Show comments