Walang sapat na batayan
Ang nawawalang asawa ay pinapalagay na patay na kung ang kanyang kabiyak ay naniniwala na siya ay talagang patay na. Paano bang mapapatunayan ang paniniwalang ito? Ito ang ipaliliwanag sa kaso nina Mely at Mario.
Pagkaraan ng isang taon lang nang sila’y ikasal at may isang anak na, umalis si Mario sa kanilang tahanan para magtrabaho sa ibang bansa. Mula noon hindi na siya bumalik at hindi alam kung nasaan siya. Kaya nagsampa na ng petisyon si Mely sa Korte (RTC) na ideklarang patay na siya.
Tumestigo si Mely sa korte at sinabing masigasig niyang hinanap ang kanyang asawang si Mario sa mga kamag-anak na sinabi sa kanya na wala rin silang alam tungkol dito. Pagkaraan ng dalawang taon pa, humanap na rin siya ng trabaho sa ibang bansa at para hanapin pa rin si Mario. Ngunit hindi pa rin niya ito nakita hanggang bumalik na siya sa bansa pagkaraan ng apat na taon.
Batay sa kanyang testimonya, dineklara ng RTC na pinapalagay na patay na talaga si Mario batay sa Article 41 ng Family Code (FC). Ayon sa RTC, batay sa mga sirkumstansya na pumapalibot sa kanyang pagkawala, maideklara na siya ay pinapalagay na patay na dahil magmula nang siya’y umalis sa kanilang tahanan, nawala na siya ng higit na siyam na taon.
Upang makapag-asawa muli si Mely, apat na taon lang na siya’y nawawala, pinapalagay na ng batas na patay na siya. Sabi ng RTC na siya ay pinapalagay nang nawawala kahit hindi nagpresenta si Mely ng dokumento bilang ebidensiya. Hindi makatarungan na paghintayin pa siya ng mas matagal bago makapag-asawa muli. Ang desisyong ito ay kinumpirma ng Court of Appeals (CA). Nagsikap talaga siya na hanapin si Mario. Tama ba ang RTC at CA?
Mali. Sabi ng Supreme Court (SC), hindi niya sapat na napatunayan na ang kanyang paniniwalang patay na si Mario ay totoo sa ilalim ng batas. Dapat nagsikap siya nang husto na hanapin si Mario at batay sa pagsisikap na ito at mga pagtatanong na sigurado talagang naniwala na patay na si Mario.
Kailangan talagang nagsikap siya. Batay sa batas, pasanin ni Mely na kahika-hikayat na patunayan na nagsumikap siya nang husto na hanapin si Mario. Ang paniniwala ay kalagayan ng pag-iisip na mapapatunayan lang ng direktang ebidensiya at di mga sirkumstansya. Ang pagsusumikap niya sa paghahanap ay dapat masigasig at makatwirang pagtatanong na alamin ang kinalagyan at katayuan ni Mario.
Hindi sapat ang ginawa ni Mely na pumunta lang sa Maynila at hanapin si Mario ng siyam na buwan, pumunta sa mga kamg-anak ni Mario upang hanapin ito na hindi man lang nagtanong sa mga kapitbahay at ibang mga tao upang malaman ang katotohanan na sinabi sa kanya.
Bukod dito, kahit na matagal nang nawawala si Mario, di man lang siya pumunta sa mga pulis upang humingi ng tulong. Nung pumunta siya sa ibang bansa, di man lang siya pumunta sa konsulado ng Pilipina upang humingi ng tulong. Wala talagang sapat na batayan ang kanyang paniniwala ng patay na si Mario (Republic vs. Ferol G.R. 212726, June 10, 2020).
- Latest