ANG sinusitis ay nangyayari kapag ang paligid ng daanan ng ilong (sinuses) ay namamaga. Ang pamamaga nito ay nagpapa-sarado sa daanan, kaya mahirap para sa sinuses na maalis ang nakabara. Ang sakit nito ay nagre-resulta para mamaga kapag ang sipon ay nabuo dito.
Ang sintomas nito ay ang pananakit sa palibot ng mata o pisngi, pagbabara ng ilong, dahilan para mahirapan huminga sa ilong, dilaw o berdeng uhog sa ilong o pababa sa iyong lalamunan.
Acute sinusitis ay kadalasan dahilan ng sipon. Ang matagalang sinusitis ay maaaring dahil sa impeksyon, allergy, nasal polyps o deviated septum.
Payo sa sinusitis at sipon:
1. Mag-apply ng warm compress. Ilagay ang mainit-init na basang towel sa ilong, mukha, at mata para mawala ang sakit.
2. Uminom ng maraming tubig o iba pang inumin. Ang tubig ay nakatutulong para palabnawin ang sipon at lumuwag ang mga daluyan nito. Iwasan uminom ng kape at alak, dahil ito ay nakapagpapanuyo.
3. I-steam ang sinuses. Ito ay makatutulong mawala ang sakit at matanggal ang plema. Talukbungan ng towel ang iyong ulo at maingat na langhapin ang singaw ng tubig mula sa palangganang mayroong pinakulong tubig. Panatilihin na ang singaw nito ay direkta sa iyong mukha. O kaya ay maligo ng mainit na tubig at langhapin ang basang singaw nito.
4. Magkaroon ng sapat na pahinga. Ito ay makatutulong sa iyong katawan para labanan ang impeksyon at mabilis na gumaling.
5. Matulog na naka-angat ang ulo. Ito ay makatutulong para ang iyong sinuses ay lumuwag.
6. Nasal lavage. Ito ay paghuhugas sa daanan ng ilong (lavage) at pinalalabas nito ang sobrang sipon at dumi at nakatutulong din para mabawasan ang pamamaga ng sinuses. Ang lavage ay parang bombilyang syringe o neti pot.
7. Mag-ingat sa mga decongestant nasal spray. Ang decongestant nasal spray ay nakatutulong para lumuwag ang daluyan ng sipon, ngunit maaari mo lamang itong gamitin isang beses sa isang araw sa maikling panahon na hanggang 3 araw lamang.
Kumunsulta sa doktor kung ang sintomas ay walang pagbabago pagkalipas ng ilang araw o kung ito ay lumala pa, o kung mayroong history ng pabalik-balik o malalang sinusitis. Kung ang iyong sinusitis ay resulta ng impeksyon dahil sa bakterya, ang iyong doktor ay maaaring magreseta ng iniinom na antibiotic o iba pang gamot.
* * *
Pangangati ng lalamunan (sore throat)
Ang pangangati ng lalamunan ay palatandaan na ikaw ay magkakaroon ng sipon o trangkaso. Karamihan sa sore throat ay hindi naman nakapipinsala at nawawala sa loob ng limang hanggang pitong araw.
Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng sore throat. Kadalasan ay nagmumula ito sa impeksyon mula sa virus o bacteria. Kapag virus ang dahilan, puwedeng hindi muna uminom ng antibiotics.
Ngunit kung namamaga ang tonsils at may mga puti-puti na nakikita sa lalamuman, ang ibig sabihin ay may bacteria ito at kailangang uminom ng antibiotics.
Ang mga virusis at bacteria ay maaaring pumasok sa bibig at ilong sa pamamagitan ng paglanghap ng particles mula sa pag-ubo o paghatsing ng ibang tao. Puwede rin na ikaw ay gumamit ng kutsara, towel, laruan, doorknob, computer keyboard at telepono na ginamit ng may sore throat. Maaari ring magdulot ng sore throat ang hyperacidity. Ang allergy ay puwede ring pagmulan ng sore throat.
Narito ang mga dapat gawin para mawala ang sore throat:
1. Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Maglagay ng 1 kutsaritang asin sa isang basong maligamgam na tubig at haluin ito. Imumog ng ilang segundo. Mababawasan ng tubig na may asin ang pamamaga ng tonsils. Magmumog ng apat na beses sa maghapon.
2. Uminom nang maraming tubig, tsa-a o sabaw. Uminom ng walong basong tubig sa maghapon para lumabnaw ang plema.
3. Humigop ng sabaw ng nilagang manok. Ang chicken soup ay tumutulong sa pag-alis ng pagbabara dulot ng sipon at plema. Pinipigilan nito ang pamamaga ng tonsils at paggawa ng plema. Ang chicken soup ay may sangkap na amino acid, ang cysteine, na lalabas sa pagluto ng sabaw ng manok. Ang cysteine ay nagpapalabnaw ng plema sa baga at pinapabilis ang paggaling. Ang manok ay mataas din sa protina.
4. Kung masakit ang lalamunan, gumamit ng throat lozenges.