Rizal Day, 1972

Lampas hatinggabi nang bulabugin ng sundalo ang aming­ pagtulog sa selda. Akala namin ni Lito ay muli kaming­ bubugbogin. Mula nang ako’y kinarsel nu’ng Dec. 15 at si Lito Dec. 22, tig-walong sunud-sunod na gabi kaming pina­hi­rapan­. Sampal sa mukha, suntok sa dibdib at tiyan, halibas ng riple sa ulo at likod. Pilit kami pinaaamin kung saan nagta­tago ang kung sinu-sino para makuha nila ang premyo sa ulo ng mga ‘yon. Edad-17 ako at edad-19 si Lito, mga aktibis­tang estudyante sa magkaibang pamantasan. Walang pormal na sakdal sa hukuman. Sa ganu’ng sitwasyon kami nagkakilala at ginawang magkaselda.

Inutusan kaming sumakay sa military jeep. Naka-briefs lang kami. Mula Camp Aguinaldo, dinala kami 15 kilometro sa isang burol sa Fort Bonifacio, na noon, 1972, ay puro damuhan pa. Maliwanag ang buwan. Nanginginig kami ni Lito sa ginaw.

Pinapulot kami ng sarhento ng tig-dalawang patpat. Ipi­natusok ang una sa lupa. Pinahiga kami nang naka­dikit ang paa sa patpat at pinatusok ang pangalawa sa lupa sa ulunan. Binigyan kami ng tig-isang maliit na pala. Pinag­hukay ng sariling libingan. ‘Yun daw ang parusa namin sa hindi pagsuplong sa mga taong hindi naman namin kilala.

Estatwa ng paglilitis ni Rizal sa Fort Santiago
Wikipedia photo

Pinilit kong umiyak, para kaawaan sana ng sundalo, pero walang luhang pumatak. Tinanong ko ang Diyos kung bakit bata ako papanaw. Nag-alala ako kung mahanap pa ng magulang ang bangkay ko.

Nakalipas marahil ang isang oras. Pinitik ng isang sun­dalo ang sigarilyo niya sa mukha ko. Sinimulan nu’ng isa pang sundalo patayin ang sigarilyo sa taynga ni Lito. Pina­­tigil na ang aming paghuhukay. Nagwakas ang psychological torture. Ibinalik kami sa selda.

Hindi kami makatulog muli. Nagkamay kami ni Lito. Na­­­gawa pa naming magbiro na mabuti na lang nalusutan namin ang sinapit ni Jose Rizal 78 taon noon ang naka­lipas.

Wala ako sa kalingkingan ng Dakilang Malay. Hindi siya natinag, hindi natakot sa bingit ng kamatayan.

Show comments