Noong huling bahagi ng dekada 60, ako’y fine arts student sa UST. Ang pamasahe ko sa pagpasok sa school mula sa aking tinitirhan sa Caloocan ay 50 sentimos, balikan. Limang piso lang ang baon ko araw-araw at naroroon na ang pamasahe, pananghalian at pambili ng mga gamit ko sa pag-aaral. Kung gugunitain, parang kay sarap ng buhay noon. Weh, hindi nga!
Ang kinakainan naming mga estudyante noon ay ang Little Quiapo na sa halagang P2.50 ay kumpleto na ang tanghalian mo: santasang kanin, isang ulam na may libreng sabaw at dessert na saging o kaya ay isang scoop ng ice cream.
Tuwing ikukuwento ko ito sa mga nakababata, napapa-wow sila. Sarap daw ng buhay noon, sana magbalik. Ngunit iba na talaga ngayon ang economic situation. Two hundred pesos a month lang ang sahod ng manggagawa noon. Ngayon kahit treinta mil ang sahod mo kinakapos ka pa. May isang joke tungkol dito:
Isang kandidato sa pagka-Presidente ng bansa ang naghayag ng campaign promise: “If elected, I will rollback the prices of commodities to the 1960 level.”
“Impossible!” sagot ng isang ekonomista. “Paano mo gagawin iyan?” Heto ang sagot ng kandidato: “ Pati sahod ng tao iro-rollback sa 1960 level.” Pupuwede yan pero papayag ka ba sa P200 a month na sahod? Marami na ang factors na hindi natin kontrolado na makaaapekto sa inflation o pagtaas ng presyo.
Sa ngayon na papatapos na naman ang taon, nagtatanong ang marami, “Saan na ang campaign promise ni PBBM na gagawing P20 ang presyo kada kilo ng bigas”? Ahh, kasing impossible iyan ng pag-water ski ni Duterte sa WPS para itirik ang watawat ng Pinas kahit patayin siya ng mga Intsik.
Utu-uto lang ang maniniwala sa pangako ng pulitiko. Mula pa nang mauso ang pulitika, ganyan na ang kalakaran. Ang taon 2025 ay election period na naman. Huwag nang magpatangay sa mga ilohikal na pangako ng mga pulitikong sa hangaring magwagi ay ipangangako sa tao ang langit at mga bituin.