PASKO na at ang karaniwang batian ng mga tao ay “Merry Christmas”. Pero sa panahong nahaharap tayo sa matinding krisis sa pulitika at ekonomiya paanong sasaya ang Pasko. Sa isang linggo papasok na naman ang panibagong taon 2025. Wala pa tayong nakikita pahimakas ng isang magandang taon.
Naririyan pa rin ang ugong ng mga digmaan na nagiging pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng mga bilihin na maging sa bansa nati’y damang-dama. Kapag kumonti ang nabibili ng ating piso, gobyerno ang sinisisi natin. Oo nga’t may pananagutan ang pamahalaan kahit sa harap ng mga pandaigdig na krisis pero mas malaking bahagdan ng problema ay bunga ng pandaigdig na sirkumstansya na wala tayong kontrol. Ibig bang sabihin hindi na tayo dapat magbatian ng Merry Christmas?
Huwag nating kalimutan na ang ligayang dulot ng Pasko ay wala sa material na pagpapala gaya ng magandang takbo ng ekonomiya, dagdag na sahod sa mga manggagawa, Christmas bonus at iba pa.
Ang tunay na ligayang dulot ng dakilang araw na ito ay ang pagsilang ng Mesiyas na tumubos sa atin sa sarili niyang buhay at dugo upang sa pagpanaw natin ay magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng Langit.
“Sapagkat gayun na lang ang pagmamahal ng Ama sa sangkatauhan kung kaya isinugo niya ang kanyang bugtong na anak upang ang lahat ng sumampalataya sa kanya ay maligtas at magtamo ng buhay na walang hanggan.” – Juan 3:16
Mayroon pa kayang higit na dakila sa handog na ito ng Diyos na kayang tumbasan na lahat ng kayamanan sa mundo? Wala na.