MAY kasabihan na bago sumapit ang Bagong Taon, dapat wala kang kinauutangan para malinis ang pasok ng taon. Sigurado ito rin ang nais mangyari nang maraming ospital sa bansa. Hinikayat ni DOH Sec. Teodoro Herbosa ang PhilHealth na bayaran ang mga utang nila sa mga pribadong ospital.
Isa ang St. Lukes Medical Center sa Quezon City kung saan may utang umano ang PhilHealth na P800 million. Malaking halaga iyan. Dehado nga ang mga pribadong ospital dahil hindi na sila makakakuha ng tulong mula sa gobyerno.
Ayon kay Pres. Ferdinand Marcos Jr., may P500 bilyong pisong reserbang pondo ang PhilHealth. Ayon naman kay dating Senate President Franklin Drilon, nasa P800 bilyon ang reserba.
Kaya wala naman daw dapat pangambahan at siguradong may pondo sa darating na panahon kahit tinanggal na ang subsidy ng gobyerno sa PhilHealth. Hindi rin daw magtataas ng kontribusyon ng mga miyembro. Ang PhilHealth na lang daw ang mag-a-adjust.
Nilinaw din ng PhilHealth na ang inilaan nilang P138 milyon ay hindi para sa Christmas party ngayong taon kundi para sa ika-30 anibersaryo ng ahensiya sa susunod na taon 2025. Sumusunod daw sila sa pahayag ni Marcos na huwag gumastos nang malaki para sa mga Christmas party. Hindi dapat nagsasagawa nang maluhong party ang mga ahensiya ng gobyerno ngayon.
Kung ganun pala at maraming reserbang pondo ang PhilHealth, bakit pa sila may utang sa mga ospital tulad ng St. Lukes? Bakit nga ba hindi bayaran? Kailangan din ng ospital yan para tuluy-tuloy ang kanilang serbisyo sa publiko. Mga kagamitang nangangailangan ng maintenance.
Isama na rin ang mga sahod ng nurses, technician, housekeeping. Malaki sigurado ang kuryente at tubig ng ospital. Hindi rin basta-basta nilalabhan ang mga gamit na punda, kumot at iba pa. May tamang pamamaraan iyan dahil may sakit ang gumamit.
Matagal nang daing ng mga probadong ospital ang matagal na koleksiyon mula PhilHealth. Ayon kay Herbosa, sira ang sistema ng PhilHealth kaya dapat ayusin.
Hindi rin dapat nililipat ang mga reserbang pondo ng PhilHeallth sa ibang ahensiya ng gobyerno. Malaking bahagi ng pondo ng PhilHealth ay galing sa mga miyembro kaya hindi dapat nililipat at hindi naman pera ng gobyerno.