EDITORYAL - Huwag lang si Mary Jane ang bigyan ng clemency
MARAMING humihiling kay President Ferdinand Marcos Jr. na pagkalooban ng executive clemency si Mary Jane Veloso makaraang dumating sa Pilipinas noong Miyerkules mula sa mahigit 14 na taong pagkakakulong sa Indonesia dahil sa drug trafficking.
Kabilang sa mga humihiling na bigyan ng clemency si Mary Jane ay si dating senador Leila de Lima. Ayon kay De Lima, nagdusa na si Mary Jane at muntik nang ma-execute kung hindi sila nag-apela noon kay dating Indonesian President Joko Widodo. Si De lima ay dating Justice Secretary sa term ni dating President Noynoy Aquino. Ayon kay De Lima, sila ni PNoy at si dating DFA secretary Albert del Rosario ang umapela kay Widodo para matigil ang execution ni Mary Jane noong 2015.
Maski si Senate Minority Leader Koko Pimentel ay pabor ding mapagkalooban ng clemency si Mary Jane. Ayon kay Pimentel, ngayong nasa jurisdiction na ng Pilipinas si Mary Jane ay malaki ang pag-asa na mabigyan ito ng clemency ng Presidente.
Nang dalhin sa Correctional Institution for Women (CIW) si Mary Jane, umapela siya kay Marcos Jr. na bigyan siya ng clemency upang tuluyan nang makalaya. Hindi maipaliwanag na kaligayahan ang nadama ng mga magulang at dalawang anak na lalaki ni Mary Jane nang magkita-kita sila sa CIW. Unang nagtungo sa NAIA ang magulang at anak ni Mary Jane para salubungin pero hindi sila pinayagang makalapit dahil sa mahigpit na seguridad.
Nabiktima ng illegal recruiter si Mary Jane noong 2010. Nagbayad siya ng P20,000. Dinala siya sa Malaysia ng recruiter na si Sergio para maging domestic helper. Pero sa Indonesia siya humantong nang ipakilala sa kanya ni Sergio ang isang African na nagbigay sa kanya ng baggage. Nang nasa Indonesian airport na siya, nakita sa baggage niya ang mahigit isang kilong heroine. Ikinulong siya at hinatulan ng kamatayan.
Hindi na inaasahan ni Mary Jane na makaliligtas siya sa parusang kamatayan. Ayon sa kanya, isang “himala” ang lahat.
Ngayon ay umaapela siya at iba pa na tuluyan nang makalaya sa piitan. Hindi naman malayo na dinggin ni Marcos Jr. ang apela. Sabi ng Indonesian court, nasa desisyon na ng Philippine president ang kahihinatnan ni Mary Jane. Ang Presidente na ng Pilipinas ang may hurisdiksiyon.
Kung pagkakalooban si Mary Jane ng clemency, pagkalooban din sana ang mga matatandang bilanggo na nagdusa na nang maraming taon. Kung nagawang patawarin si Mary Jane, patawarin din ang mga bilanggong nagdusa at nagsilbi na ng sentensiya.
- Latest