Walang masama sa loyalty check

WALANG masama kung magsagawa ng loyalty check ang militar at pulisya sa hanay nito lalo pa’t kung may impluwen­syal na kapangyarihan nanghihikayat na ibagsak ang pama­halaan. Kasi, sa ganitong mga pagkakataon, ang pinu­­pro­tek­tahan ay hindi na ang persona ng Presidente kundi ang kapa­kanan ng buong bansa.

Ayon kay President Bongbong Marcos, walang ginaga­wang loyalty check sa hanay ng Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Kunsabagay, kung gagawa man ng ganyang pagsusuri sa katapatan ng mga sundalo at pulis, hindi na ito dapat ipaglantaran pa. Ang mga security measures ay isinasagawa sa paraang sikreto. Sinabi ito ng Presidente dahil sa banta ni Vice Pre­sident Sara Duterte na ipapapatay siya.

Anang President, hindi niya alam ang termino na loyalty check at kung paano ginagawa sa PNP at AFP. Palagay ko rin, ang loyalty check ay hindi ipinag-uutos ng Presidente kundi inisyatibong awtomatikong ginagawa ng militar at pulisya sa mga ganitong pagkakataon na may namumuong destabilisasyon.

Bawat nangunguna sa sangay ng militar at pulisya ay dapat magsagawa nito dahil ang pinangangalagaan nila ay ang Konstitusyon at buong kapakanan ng bansa. Matapos iyan, sila ang kusang haharap sa Presidente upang muling manumpa ng katapatan.

“Hindi ko naiintindihan ang term na ‘yan because I don’t know how you conduct a loyalty check. At least not when you call a command conference. Because in the military, the police, we don’t have that,” sabi niya.

Ang loyalty check, anang Presidente ay naririnig lamang niya sa media at wala siyang nalalaman sa ganitong proseso. Pa­na­hon pa ni Presidente Cory Aquino ay palagi na nating nari­rinig ang loyalty check lalo na kung may mga tangkang kudeta.

Lubhang mabigat at lantaran ang destabilisasyon ng mga Duterte laban sa pamahalaang Marcos. Kailangang siguruhin ang katapatan ng bawat opisyal at tauhan ng pamahalaan na nangangalaga sa national security.

Show comments