ANG allergy ay reaksiyon ng ating katawan at immune system sa mga nakaka-pinsalang sangkap, tulad ng pollen, alikabok, amag at balahibo ng hayop.
Narito ang tips depende sa inyong allergy:
1. Pollen ng mga halaman – Magsuot ng face mask kapag nasa labas. Isara ang mga bintana at pintuan para hindi pumasok ang pollen sa bahay. Huwag iwanan nakasampay ang mga damit sa labas. Ang pollen ay maaaring dumikit sa damit, Gayundin maligo at magpalit ng damit kung ikaw ay galing sa labas o biyahe. Banlawan ng saline solution gamit ang “nasal spray” para mapalabas ang namuong sipon at mawala ang pagka-iritable ng ilong.
2. Alikabok at amag – Limitahan ang pagkalantad o ma-expose sa mga alikabok. Umiwas sa mga ginagawang gusali. Kung maglilinis ng bahay gawin ito isang beses sa isang linggo. Magsuot ng mask kung maglilinis o kaya naman ipagawa na lamang ito sa iba. Balutin ang mga kubrekama at unan upang maiwasan na maalikabukan. Mainam na palitan ng leather ang ilang kagamitan dahil ito ay hindi madaling kapitan ng alikabok. Gumamit ng exhaust fan sa kusina at banyo upang hindi mamahay ang mga amag. Linisin ang humidifiers nang madalas. Ito ay makakatulong para makaiwas sa pagdami ng amag at bacteria na maaring mamahay sa mga appliances.
3. Balahibo ng mga hayop – Piliin ang mga aalagaang hayop. Iwasang mag-alaga ng mga mabalahibong hayop. Huwag hayaan na pumasok sa loob ng bahay ang aso o pusa lalo na sa kuwarto. Kung hindi maiwasang mag-alaga ng mabalahibong hayop, siguraduhin na nasa labas ito ng bahay. Paliguan ang alagang hayop linggu-linggo. Gumamit ng pamunas na makatutulong upang doon mapunta ang mga balahibo.
Magpatingin sa doktor kung hindi nawawala ang sintomas sa mga hakbang na ito. Ang iniresetang gamot ng doktor ay maaaring mabawasan o mapigilan ang allergy.