1734 Velarde Map kontra imbentong 9-dash-line

(Karugtong ng lumabas kahapon)

MAHALAGANG makita ng kabataan ang bagong viewing­ hall ng National Library of the Philippines. Naroon ang orihinal na Noli me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal. Pati unang isyu ng La Solidaridad at ang utos ni President Emilio Aguinaldo na bitayin si Katipunan Supremo Andres Bonifacio.

Naru’n din ang katutubong panulat, at akda nina Isabelo Delos Reyes, Lope K. Santos, at iba pang makabayan. Pati ang mesa’t silya ni President Manuel L. Quezon.

Nasa estante sa gitna ang 1734 mapa ng Pilipinas ni Padre­ Pedro Murillo Velarde. Ito ang unang mapa ng buong kapuluan.

Detalyado ang hugis ng Luzon at Mindanao. Naroon ang Palawan, Mindoro, Marinduque, at Romblon na bahagi ng Luzon. Kumpleto ang mga isla ng Visayas.

Wikipedia Photo

Sa gilid ng mapa ay mga binyeta, ani history Prof. Mi­chael “Xiao” Chua. Nilalarawan ng mga binyeta ang tanim (mais, palay o saging) sa bawat rehiyon; kabuhayan at kalakalan; minahan at kaugalian. Naka-drawing ang mga nag-aani, nagsasabong, pati mga Aeta.

Ang 1734 mapa ay kompendyo ng iba’t iba pang mapa ng mga isla ng Pilipinas. Pinagsama-sama sila ni Padre Vellarde, ani Prof. Chua.

Sa kaliwa o kanluran ng Luzon ay Bajo de Masinloc, nga­yo’y tinatawag na Panatag o Scarborough Shoal. Sa dulong kaliwa ang kapuluan ng Spratlys, ngayo’y binubuo ng Ba­ran­gay Pag-asa at walong maliliit na isla ng Kalayaan, Pa­lawan.

Nauna ang Pilipinas isa-mapa ang Spratlys at Scarbo­rough. Taon 1947 lang ito inangkin ng China sa ilalim ng imben­tong nine-dash line.

Genuine ang Velarde Map. Kathang-isip lang ang nine-dash line.

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments