Masaya po akong ibahagi sa inyo ang isang napakalaking milestone para sa ating lungsod ngayong taon! Nakamit ng Makati City ang 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa DILG at ang Gawad KALASAG Seal of Excellence mula sa NDRRMC.
Wow, dalawang prestihiyosong parangal! Para po sa akin, ito ay hindi lang mga tropeo—ito ay simbolo ng ating pagkakaisa at pagtutulungan bilang lungsod. Imagine, nakakuha tayo ng pinakamataas na rating na “Beyond Compliant” mula sa NDRRMC sa tatlong magkakasunod na taon! At hindi lang ‘yan—itinanghal pa tayong Best Government Emergency Management Team (GEMs) sa buong National Capital Region!
Ang mga parangal na ito ay hindi lang para sa akin o sa ating city hall. Para ito sa bawat kawani ng gobyerno at sa bawat Makatizen na walang sawang sumusuporta, nakikiisa, at nagtitiwala sa pamahalaan.
Bukod sa karangalang hatid nito, makatatanggap tayo ng SGLG Incentive Fund na P2 milyon. Itong pondo ay gagamitin upang suportahan ang mga proyekto at programa na direktang makikinabang ang bawat isa sa atin—mula sa mga bata, estudyante, manggagawa, hanggang sa ating mga senior citizens.
Higit pa rito, ang tagumpay na ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong maging modelo para sa iba pang lungsod. Ang Makati ay hindi lang para sa Makati—lagi nating sinisigurong tumutulong din tayo sa mga nasalanta ng sakuna at nangangailangan.
Ang mga awards ay hindi lamang tagumpay na dapat ipagdiwang, kundi paalala na mas marami pa tayong dapat gawin. Patuloy nating paiigtingin ang ating disaster preparedness, social services, at iba pang aspeto ng pamamahala. Gagawin natin ito hindi lang para sa mga award, kundi para sa inyo—ang tunay na lakas ng Makati.
***
Ang University of Makati (UMak) ay nakapagtala ng isang napakataas na 90.91% passing rate sa Bar Exams ngayong taon—malayung-layo sa national passing rate na 37.84%. Isa na naman itong patunay ng kalidad ng edukasyong hatid ng ating lungsod at ng husay ng UMak bilang isa sa mga nangungunang paaralan ng batas sa buong bansa.
Hindi lang ito simpleng tagumpay. Pumangalawa rin ang UMak sa buong Pilipinas sa mga law schools na may 11 hanggang 50 bar examinees, at apat na sunod-sunod na taon nang kinikilala bilang isa sa top-performing law schools. Sa pangunguna nina Dean Jord Jharoah Valenton at Associate Dean Cecilio Duka, at sa sipag at dedikasyon ng Batch Invictus, muling naiangat ang pangalan ng ating unibersidad at ng lungsod ng Makati.
Binabati ko ang ating mga bagong Heron Lawyers, na hindi lamang nagbigay ng malaking karangalan sa UMak, kundi nagsilbing inspirasyon sa buong komunidad ng Makati. Ang kanilang tagumpay ay sumasalamin sa kalidad ng kanilang edukasyon, suporta ng pamahalaang lungsod, at higit sa lahat, ang kanilang pagsisikap na maabot ang kanilang mga pangarap.
Sama-sama nating ipagdiwang ang mga tagumpay na ito, na hindi lamang para sa unibersidad kundi para sa buong Makati. Tuloy-tuloy ang pag-asenso, at talagang lahat better dito sa Makati!