^

PSN Opinyon

2 masipag na OFW ginantimpalaan ng tig-P1.5 milyon

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Dalawang overseas Filipino worker ang kinilala at bawat isa sa kanila ay ginantimpalaan ng tig-P1.5 milyon  makaraang manalo ng first prize sa Emirates Labour Market Award ng Ministry of Human Resources and Emiratisation (Mohre) ng United Arab Emirates sa isang seremonya sa naturang bansa kamakailan.

Isa sa kanila, ang 63-anyos na si Norhana Mohammad Omar na 25 taon nang nagtatrabaho bilang kasambahay sa isang pamilya sa UAE ay kinilala sa ilalim ng  ‘Outstanding workforce category for domestic workers’ habang ang 49-anyos na si Nestor Montalbo Handog na isang mekaniko sa naturang bansa ay napili naman para sa electricity, mechanics, and machinery and equipment operation.

Kasama ng pagkapanalo nila ng first prize, sina Omar at Handog ay prinemyuhan ng tig-Dh100,000 (katumbas sa PHP1,599,386.60 sa pera ng Pilipinas habang isinusulat ito) bawat isa, sa kanila sa seremonya ng parangal noong Nobyembre 14, 2024.

Ayon sa Mohre, pangunang layunin ng award na magsulong ng competitiveness sa pribadong sector at makapaghimok ng mas mahusay na pagtatrabaho sa lahat ng larangan para mapag-ibayo ang competitiveness sa  UAE labour market at business environment at maiangat ang kapakanan at kalidad ng buhay ng mga manggagawa.

Para kay Omar, ang totoo niyang gantimpala ay ang pagkakatrabaho bilang domestic helper sa isang pamilyang Emirati na trinato siya bilang kapamilya sa loob ng 25 taon.

Nabatid sa isang ulat ni Angel Tesorero sa Khaleej Times na nagmula si Omar sa Cotabato sa Mindanao. Hindi na nagkaasawa si Omar pero para sa kanya, pangalawa siyang ina ng pitong bata na tinulungan niya sa paglaki sa loob ng mahigit dalawang dekada. Lola na rin siya ng pitong maliliit na bata.

Ipinanganak noong Marso 1961 si Omar na unang dumating sa UAE noong 1999. “Bago ako pumunta rito, nagtrabaho muna ako bilang yaya sa Kuwait, Bahrain at Saudi Arabia,” saad ni Omar na nagsimulang magtrabaho sa iba’t ibang bahay sa edad na 18 anyos.

Bata pa lang siya ay masipag na at siya ang naging breadwinner sa kanilang pamilya.

Hindi pa nakakabalik sa Pilipinas si Omar mula nang umalis siya rito noong 1999 pero gusto niyang magbakasyon dito sa hinaharap.

Hindi pa niya naiisip ang gagawin niya sa perang ipinagkaloob sa kanya pero wala pa siyang balak magretiro sa trabaho. “Dito muna ako sa pamilya (ng kanyang amo) hangga’t kaya ko.

Gusto kong nakikita ang mga ‘anak at apo ko’,” sabi niya sa Ingles.

Para naman kay Handog, isa siyang masipag na mekaniko, mapagmahal na asawa at mabait na ama.

Meron na siyang diploma sa automotive technology nang una siyang dumating sa Dubai sa UAE noong Oktubre 2006 at nagtrabaho sa Wade Adams Contracting LLC) mula noon hanggang ngayon na tumagal na nang 18 taon.

“Sa palagay ko, nakatanggap ako ng ganitong parangal dahil sa katapatan at dedikasyon ko sa trabaho,” sabi ni Handog sa Ingles.

Tulad ng ibang mga OFW, nakaranas si Handog ng tinatawag na culture shock nang una siyang dumating sa UAE noon.  Nagtatrabaho siya sa isang dayuhang bansa at nakakaranas ng bagong kultura at kapaligiran sa trabaho.

“Pero nasanay naman agad ako at nagustuhan kong makatrabaho ang mga manggagawa na iba’t iba ang lahi.

Natutunan kong magsalita ng Hindi at konting Arabic,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan niyang trabaho, tumatanggap si Handog ng Dh5,000 (79,000) buwanang sahod bukod pa sa overtime pay. Isa siyang mekaniko sa light equipment na ginagamit sa construction tulad ng skid loaders, pumps, generators, at iba pang maliliit na construction machinery.

Nagmula si Handog sa Tanza, Cavite. Meron siyang asawa at isang 20 anyos na anak na babae na nag-aaral ng accountancy sa kolehiyo.

Maagang Pamasko para sa kanya ang natanggap niyang premyo na gagamitin niya sa pagbabayad ng ilang mga utang at sa pag-aaral ng kanyang anak. Umaasa rin siyang makakapagtrabaho din sa Dubai ang kanyang anak.

“Marami siyang oportunidad dito,” sambit pa niya.

* * * * * * * * * *

Email – [email protected]

OFW

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with