Sa Pebrero pa ang simula ng campaign period para sa May 2025 elections pero marami nang nakakabit na tarpaulin ng kandidato sa mga pampublikong lugar. Kapansin-pansin ang mukha at pangalan ng kandidato na bumabati ng “Merry Christmas”. May nakadikit sa pader at may mga nakasabik sa punongkahoy. May mga nakasabit sa cable wire. Mayroon ding nakadikit sa mga stop light at nahihirapan ang motorista dahil natatakpan ang red at green signal. May mga tarpaulin na nakatali at may pabigat na bato sa mga kawad ng kuryente. Delikadong may mabagsakan na motorista.
Noong Huwebes, nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa local government units (LGUs) na baklasin ang mga nakakabit na campaign material sa mga pampublikong istruktura gaya ng pader, waiting shed, footbridge at iba pa. Ayon sa Comelec, dapat tumulong ang LGUs sa pagtanggal ng campaign materials sapagkat lantaran na itong paglabag sa Omnibus Election Code. Hindi raw dapat hayaang labagin ng mga kandidato ang batas.
Noong Lunes, inisyu ng Comelec ang Resolution No. 11086 na naglalaman ng mga probisyon kaugnay sa fair election practices. May mga inilabas ding bagong item sa political campaigns. Bago magsimula ang campaign period, inaatasan na alisin lahat nang ipinagbabawal na uri ng propaganda kabilang ang mga pangalan, imahe, logo, brand, insignias, initials at graphical representations sa mga pampublikong istruktura at lugar.
Nararapat namang tumalima ang LGUs sa pakiusap ng Comelec na baklasin ang lahat nang campaign materials sapagkat labag ito sa batas. Hindi pa panahon ng kampanyahan pero malinaw nang nakakapangampanya ang maraming kandidato. Nakabandera na ang kanilang mukha sa mga nakakabit na posters at streamers. Dapat maging parehas ang mga pulitiko at huwag labagin ang batas. Dapat namang magkaroon ng matigas na babala ang Comelec sa mga kandidato mahaharap sila sa kaparusahan kapag nilabag ang election code.
Isa sa maaaring gawin ng taumbayan o botante ay huwag iboto ang mga maagang nangangampanya. Kung ngayon pa lang ay nandadaya na, paano pa kung nakaupo na.