Lalaki sa China, gumagamit ng patay na ipis para makalibre sa mga tinutuluyan niyang hotel!
Isang 21-anyos na lalaki mula Taizhou, Zhejiang Province sa China ang inaresto matapos niyang mabiktima ang 63 hotels gamit ang pekeng reklamo tungkol sa kalinisan.
Ang suspek, na kinilala sa apelyidong Jiang, ay gumamit ng mga nakakadiring bagay tulad ng mga patay na ipis at gamit na condom upang magpanggap na may mga problema sa kalinisan ang mga hotel na tinutuluyan niya.
Nagsimula ang modus ni Jiang noong September 2023 nang piliin niyang gamitin ang kanyang tuition sa pagta-travel sa buong China sa halip na mag-enroll sa unibersidad.
Sa kanyang patuloy na paggastos, naubos na ang kanyang pera kaya nauwi siya sa paggamit ng mga “props” upang makapang-blackmail ng mga hotel. Kasama sa kanyang koleksyon ang patay na ipis, buhok, gamit na condom at iba pang mga patay na insekto na inilalagay niya sa mga kuwarto upang magdulot ng pekeng reklamo.
Sa loob ng 10 buwan, madalas na nagpapalit-palit si Jiang ng hotel, minsan ay tatlo o apat sa isang araw, para sa kanyang modus. Karaniwang pumapayag ang mga hotel na magbigay ng libreng accomodation o refund na pera bilang kabayaran upang maiwasan ang negatibong publicity.
Noong Agosto 8, 2024, nabuking ang modus ni Jiang matapos maghain ng reklamo ang isang hotel manager, na nalugi sila ng 400 yuan dahil sa pekeng reklamo ng suspek. Sa tulong ng ibang hotel, natuklasan ang paulit-ulit na pattern ng kanyang modus operandi.
Sa imbestigasyon, narekober sa kanyang pag-aari ang 23 pakete ng patay na ipis, gamit na condom, at iba pang props. Lumabas din na mula Nobyembre 2023, mahigit 380 hotel na ang kanyang tinuluyan, at 63 dito ang kanyang naloko ng kabuuang 38,000 yuan (mahigit 300,000 pesos).
Kasalukuyang hawak ng Linhai People’s Procuratorate ang kaso para sa karagdagang legal na aksyon. Samantala, umani ng galit ang balitang ito sa social media, kung saan maraming netizens ang nagtatanong kung paano niya nagawang lokohin ang mga hotel nang ganito katagal at kung paano niya nagamit ang matrikula na dapat sana’y para sa kanyang pag-aaral.
“Ngayon, siguradong may libre na siyang accommodation, at ito ay sa kulungan,” komento ng isang netizen.
- Latest