Sunud-sunod ang karambola ng mga sasakyan at marami ang namatay. Hindi lamang sa Metro Manila may nagaganap na malalagim na aksidente kundi sa mga probinsiya man.
Noong Disyembre 5, isang malagim na aksidente ang naganap sa Makilala, South Cotabato kung saan walo katao ang namatay nang araruhin ng 10-wheeler truck ang maraming bahay at sasakyan sa gilid ng highway sa Bgy. Malasila.
Ayon sa pulisya nawalan ng preno ang truck na may kargang fertilizers habang nasa palusong na lugar. Tsk-tsk-tsk! Maraming buhay ang nasayang!
Noong Disyembre 6, apat katao naman ang namatay nang araruhin ng truck ang mga sasakyan habang pababa sa Katipunan fly-over sa Quezon City ang isang wing van na nawalan din ng preno. Kalunus-lunos ang pangyayari sapagkat sa isang iglap ay maraming buhay ang nasayang dahil sa kapabayaan ng drayber. Dapat laging iniinspeksiyon ang minamanehong van. Tumakas ang drayber pero sumuko. Napag-alaman ko na dati na palang may violations ang drayber dahil sa overloading. Alam na mabigat ang kargada, pero hindi nagti-check ng preno. Tsk-tsk-tsk!
Noong Disyembre 7, isa ang namatay at anim ang nasa malubhang kalagayan nang araruhin ng isang Isuzu truck ang mga sasakyan sa Bgy. Sun Valley, Parañaque City. Nawalan din ng preno ang truck.
Hindi ako naniniwala na lahat ng mga nangyayaring aksidente sa kalsada ay dahil nawalan ng preno ang sasakyan. Palagay ko, sinasabi lang yan para mapagaan ang kaso. Kung nawalan nga naman ng preno, walang masisisi. Pero sa totoo lang, maraming truck driver ang bara-bara kung magmaneho kaya naaaksidente. Kung sila ay responsableng drayber dapat inaalam nila bago bumiyahe ang kalagayan ng kanilang truck. Kaya pa ba ng preno lalo kung nasa pababa o palusong na lugar?
Ngayong panahon ng Kapaskuhan na marami ang nagdaraos ng Christmas party at kabi-kabila ang pag-iinuman ng alak. Maraming nagmamaneho nang lasing. Kung iinom ng alak, huwag nang magmaneho para makaiwas sa disgrasya.
Dapat din namang maging mahigpit ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga magmamaneho nang lasing. Meron na bang mga aparato ang MMDA para ma-test kung nakainom ng alak ang drayber?
Kailangan din naman na mag-inspection ang LTO at LTFRB sa mga cargo truck dahil ang mga ito ang laging nai-involve sa mga aksidente. Laging overloaded ang mga ito.
Maging ang Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Gen. Rommel Marbil ay atasan ang Highway Patrol Group na magbantay sa mga kalsada laban sa mga kaskasero at iresponsableng drayber.