Paano palalabasin ang plema (mucus)
ANG plema ay may mahalagang ginagampanan sa pagtanggal ng mga hindi kanais-nais na bagay sa baga. Para sa mga malusog na tao, ang lining sa daanan ng hangin sa baga ay may manipis na layer ng mucus na tinatawag na mucus blanket. Ito ang pumipigil sa alikabok, bacteria, at iba pang particles na makasisira sa baga. Ang mucus ng isang malusog na tao ay dahan-dahang umaakyat para mailabas ang plema.
Ngunit para sa mga taong malakas manigarilyo, at may sakit sa baga, ang ganitong paglilinis ng baga ay humihina. Dahil dito, ang mucus ay naiipon sa baga at nagiging madikit at madilaw. Ito ang nagiging dahilan para mahirapang huminga.
Heto ang mga payo kung paano palalabasin ang plema:
1. Uminom ng 8-10 baso ng tubig araw-araw para mabawasan ang madikit na plema at madali itong mailabas. Uminom ng mucolytic, gaya ng carbocisteine o ambroxol capsules. Ang mga gamot na ito ay maaaring makapagpabago sa plema.
2. Ang tamang pag-ubo ay nakaupo nang deretso at bahagyang pasulong. Habang umuubo, suportahan ito sa paglagay ng kamay sa tuhod o paglagay ng siko sa armrest. Sa kabilang banda, mahirap umubo kapag nakahiga.
3. Subukan ang paglanghap ng steam. Magpakulo ng dalawang tasa ng malinis na tubig at ilagay sa malaking bowl. Italukbong sa ulo ang tuwalya at saka langhapin ang usok. Ang isa pang puwedeng gawin ay buksan ang hot shower ng banyo at langhapin ang usok.
4. Subukan ang pagtapik sa likod (chest clapping). Gamit ang mga kamay, iporma ito ng patatsulok. Pagtapos ay marahang tapikin ang likod para maglikha ng marahang tunog. Tapikin ang itaas at gitnang bahagi ng likod para matulungan na lumuwag ang madikit na plema. Ang ganitong paraan ay mainam sa mga bata na mayroong pulmonya.
5. Isang paalala: Para maprotektahan ang likod sa pagkapuwersa, subukan ang marahang pag-ubo sa halip na isahang malakas na pag-ubo. Kung nakaramdam na ikaw ay hahatsing, subukan na kumapit sa upuan, mesa o dingding para masuportahan ang likod sa biglaang pag-ubo o paghatsing.
6. Matulog na gamit ang dalawang unan para hindi mag-ipon ng plema sa lalamunan at baga.
7. Sa huli, magpatingin sa doktor para malaman ang pinagmulan ng ulo. Kung naninigarilyo, ito na ang oras para huminto sa bisyong ito. Panatilihin ang inyong baga na malinis at malusog para makahinga nang maayos.
* * *
Sore throat
Ang sore throat ay kadalasang nagmumula sa virus o bacteria. Kapag virus ang dahilan, puwedeng hindi muna uminom ng antibiotics. Ngunit kung namamaga ang tonsils, ang ibig sabihin ay may bacteria ito at kailangang uminom ng antibiotics.
Ang mga virusis at bacteria ay maaaring pumasok sa bibig at ilong sa pamamagitan ng paglanghap ng particles mula sa pag-ubo o paghatsing ng ibang tao. Puwede rin na ikaw ay gumamit ng kutsara, towel, laruan, doorknob, computer keyboard at telepono na ginamit ng may sore throat. Maaari ring magdulot ng sore throat ang hyperacidity. Ang allergy ay puwede ring pagmulan ng sore throat.
Mga dapat gawin para magamot ang sore throat:
1. Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Maglagay ng 1 kutsaritang asin sa isang basong maligamgam na tubig at haluin ito. Imumog ng ilang segundo. Mababawasan ng tubig na may asin ang pamamaga ng tonsils. Magmumog ng apat na beses sa maghapon.
2. Uminom nang maraming tubig, tsa o sabaw. Uminom ng walong basong tubig sa maghapon para lumabnaw ang plema.
3. Humigop ng sabaw ng nilagang manok. Ang chicken soup ay tumutulong sa pag-alis ng pagbabara dulot ng sipon at plema. Pinipigilan nito ang pamamaga ng tonsils at paggawa ng plema. Ang chicken soup ay may sangkap na amino acid, ang cysteine, na lalabas sa pagluto ng sabaw ng manok. Ang cysteine ay nagpapalabnaw ng plema sa baga at pinabibilis ang paggaling. Ang manok ay mataas din sa protina.
4. Gumamit ng throat lozenges kung masakit ang lalamunan.
- Latest