TINAPOS na noong Lunes ng House committee on good government and public accountability ang pag-iimbestiga sa hindi maipaliwanag na paggastos ng pondo ng Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd) at confidential funds. Ito ay sa kabila na marami pang dapat imbestigahan sa kontrobersiyal na pondo partikular na ang P125 million confidential funds na ginastos noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw.
Sa pagtatapos, maraming naiwang katanungan na hanggang doon na lang ba talaga ang pag-iimbestiga ng komite? Ang pagtatapos ng pagdinig ay taliwas sa mga sinabi ng mambabatas noon na hindi nila iiwanan ang usapin at pilit na hahanapin ang katotohanan sapagkat ang sangkot ay pera ng taumbayan. Kung sinasabi ng komite na tapos na nga ang pag-iimbestiga, ibig bang sabihin, hahayaan na lamang ang nawaldas na pera ng taumbayan?
Marami pang dapat imbestigahan kaugnay sa mga tumanggap ng confidential funds na lumalabas na mga inimbentong pangalan. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 400 pangalan na nakapirma sa acknowledgment receipts ay wala sa kanilang data base.
Ayon sa PSA, hindi nag-e-exist ang mga pangalang Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin. Wala itong record para sa individual’s birth, marriage at death record. Isinumite ng PSA ang kanilang findings sa House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa hindi maipaliwanag na paggastos ng pondo ng OVP at confidential fund. Wala rin umano ang pangalang Kokoy Villamin.
Si Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin ay kabilang sa mga signatories ng 158 acknowledgment receipts na naka-attached sa liquidation reports na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA). Lumutang ang pangalang Mary Grace Piattos nang mapansin ng isang mambabatas sapagkat kakaiba ang pangalan na tila hinango sa isang café/restaurant at potato chips. Nang tanungin ang mga inimbitahang tauhan at opisyal ng OVP, wala silang maalalang Mary Grace Piattos.
Ilan sa mga pangalan na nakalagda sa acknowledgement receipts ay mga pangalang Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova at Chippy McDonald.
Bukod sa mga hindi matagpuang kakatwang pangalan, nakapagtataka rin na tinapos ang inquiry na hindi inimbitahan ang dalawang military officers na pinagbigyan umano ng pera makaraan ang disbursement.
Umasa ang mamamayan sa komite na magkakaroon ng kaliwanagan sa mga kinukuwestiyong pondo ng OVP pero wala rin pala. Anyare?