Walang rekord
DAHIL walang lumabas na mga pangalang “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA), naghinala na rin ang mga mambabatas at pinasuri na rin ang 600 pangalang tumanggap umano ng pondo mula sa confidential at intelligence funds (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd noong pinamunuan pa ni Vice President Dara Duterte. Walang ipinanganak, ikinasal o namatay na Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin.
Ayon sa PSA, wala silang rekord na ipinanganak, ikinasal o namatay ng higit 400 pangalan mula sa listahan ng mga tumanggap ng pondo mula sa OVP at DepEd. May 200 pangalan naman na doble-doble ang rekord sa PSA. Kahit sino naman ay magtataka o magtataas ng kilay sa ganitong paghahayag. Noong inimbestigahan na ito ng Kongreso, bakit ganyan ang reaksiyon ni Sara? Imbis na magpaliwanag, bakit idinaan sa mga walang basehang pahayag kasama na rin ang pagbabanta?
Hindi siguro inakala na iimbestigahan ang kanyang malaking paggastos ng CIF ng DepEd at OVP. Bakit nga ba may CIF ang DepEd? Hindi inakala na mauungkat na walang rekord ang higit 400 binigyan daw ng resibo sa pagtanggap ng CIF. At nataon naman na 200 pangalan ay may ka-doble. Tatapusin na raw ng Kongreso ang imbestigasyon. Lahat nang kailangan nilang malaman ay nasa kanila na. Kaya magpapanukala na ng batas para hindi na maulit ang ganitong iskandalo.
Nahaharap na sa dalawang impeachment complaints si Sara at baka madagdagan pa. Sigurado masasama ang mga resulta ng imbestigasyon ng Kongreso sa mga dahilan ng impeachment. Pero may panahon pa kaya para umusad ang mga ito? Matagal nang idinadaing ni Sara na nais siyang tanggalin sa pamamagitan ng impeachment dahil malakas na kandidato siya para sa pagka-pangulo sa 2028. Kung maging matagumpay ang impeachment laban sa kanya, hindi na siya makatatakbo sa kahit anong posisyon sa gobyerno. Kaya kung nais niyang lumaban sa 2028, dapat maipaliwanag niya ang mga anomalyang naungkat ng Kongreso at huwag idaan sa anumang kilos at pahayag. Kung walang isyu, ipakita nila. Mabanggit ko na rin na dawit din ang mga opisyal ng OVP at DepEd kung hindi rin nila maipapaliwanag ang mga isyu. Kahit CIF pa iyan, pera pa rin ng taumbayan iyan at kailangang may paliwanag kung paano ginamit.
- Latest