EDITORYAL - Mag-ingat sa Christmas lights na walang kalidad

Mula nang pumasok ang Nobyembre, nagkasunud-sunod na ang sunog sa Metro Manila at may mga namatay at maraming bahay ang natupok. Sa sunog noong Nobyembre 1 sa Teresa, Rizal, isang 71-anyos na lolo at dalawang apo na edad 10 at pito ang namatay nang matupok ang kanilang bahay. Ayon sa mga bumbero, faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog. Noong Nobyembre 21, 138 na bahay ang nasunog sa Pasig at 500 pamilya ang apektado. Faulty electrical wiring din ang dahilan ng sunog.

Noong Nobyembre 24, nagkaroon nang malaking sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila, at 2,114 na pamilya ang nawalan ng tirahan. Faulty electrical wiring din ang tinuturong dahilan ng sunog. Hanggang ngayon, may mga nakasilong pa sa evacuation centers. Dinalaw sila ni President Marcos Jr. noong Nobyembre at binigyan ng ayuda na P21-milyon para makapagsimulang muli ang mga biktima ng sunog.

Noong Nobyembre 27, nagkaroon ng sunog sa isang residential area sa Sta. Cruz, Maynila at 150 bahay ang natupok. Apektado ang 450 pamilya na nasabing sunog na ang pinagmulan umano ay sumabog na tangke ng liquified petroleum gas (LPG).

Nitong Disyembre 7 (Sabado), nasunog ang isang residential building sa Blumentritt St., Sampaloc. Maynila na ikinamatay ng anim na katao. Faulty electrical wiring din ang dahilan ng sunog.

Sunud-sunod ang sunog at pawang electrical wiring na dispalinghado ang dahilan. Mabilis kumalat ang apoy dahil mga light materials ang mga bahay. Ang iba naman ay sobrang luma na ang electrical wirings at maaring nginatngat ng daga kaya nag-short circuit.

Ngayong palapit nang palapit ang Pasko, marami nang nagsisindi ng Christmas lights. Karaniwang inilalagay ang Christmas lights sa Christmas tree at meron din sa mga bintana at pintuan. Ang iba, pati ang hagdanan ay may Christmas lights para maliwanag at madama ang diwa at saya ng Pasko.

Sa ganitong panahon naglulutangan ang mga depektibong Christmas lights na nabibili sa murang halaga. Maraming ibinebenta sa sidewalk. Huwag tangkilikin ang Christmas lights na binebenta sa bangketa na mabilis masunog.

Ang ganitong pangyayari ay nagpapaalala sa nangyari sa bahay ni dating House Speaker Jose de Venecia ilang taon na ang nakararaan. Nasunog ang bahay ng House Speaker dahil sa depektibong Christmas lights.

Bumili ng Christmas light na may PS mark at dumaan sa quality control. Huwag makipagsapalaran sa mga depektibong pailaw ngayong Pasko. Mag-ingat sa mga huwad na produkto.

Show comments