Limang kasamaan ng dynasties sa atin

Limang paraan na binubulok ng political dynasties ang lipunan. Ayon ‘yan kina Capt. Bobby Yap, PMA 1982, at Atty. Alex Lacson. Bahagi sila ng Alyansa ng Nagkaka-isang Mamamayan.

(1) Nililihis ng dynasties ang malaking bahagi ng pera ng bayan. Ehemplo ang P90 bilyon ng PhilHealth. Ang P90 bilyon ay kontribusyon ng mga kasapi at koleksiyon ng buwis sa alak at sigarilyo. Dapat gamitin ang pera para sa dagdag serbisyo ng PhilHealth, tulad ng blood tests at lab works.

Tinangay ito ng Malacañang, kung saan dynast ang nakaluklok. Ginawa ito para pondohan ang iba pang dynasts sa Kongreso.

(2) Sinasakal nila ang pag-unlad ng lokal na kabuhayan.

Kinokontrol ng dynasts ang negosyo sa probinsya o lungsod. Sa kanila ang hardware supply, hotel, gasolinahan, pier, ferry, mall, resorts, sanglaan. Hindi makapasok ang kompetensya kasi pinagkakaitan ng business, building, occupancy, at safety permits.

(3) Hinahadlangan ng dynasties ang reporma.

Hindi makakapasa sa Kongreso ang mabubuting batas. Haharangin ng dynasts ang Land Use Bill na magbabawal gawing residential subdivisions ang mga sakahan at gubat.

At lalong haharangin ang batas na magbabawal sa dynasties.

(4) Kinokorap nila ang lipunan at gobyerno.

Minamanipula ng dynasts ang mga guro na nagsisilbing poll watchers sa halalan. Nagtatalaga sila ng bata-bata sa kapitolyo at munisipyo. Hindi ito batay sa galing o talino, kundi sa loyalty sa kanila.

(5) Pinananatili ng dynasts ang “trapo”, o traditional politico.

Ipinupuwesto nila ang mga katoto bilang Presidente, VP, senador, kongresista, gobernador, mayor, at iba pa. Apat sa kada limang mambabatas ay trapo at dynast. Ganundin ang apat sa bawat limang lokal na opisyal. Tauhan nila ang mga nasa Cabinet at Judiciary.

Show comments