Gusto mo bang magtrabaho bilang non-stay in cleaner sa Kingdom of Saudi Arabia? Maglilinis ka lang ng bahay ng mga residente roon pero hindi ka rito titira. Pagkatapos mong magtrabaho sa maghapon, aalis ka na at uuwi ka sa bahay na ilalaan para sa iyo ng recruitment agency sa naturang bansa. Tatanggap ka ng buwanang suweldo na SAR 1,800 (P27,759 sa perang Pinoy ba-tay sa exchange rate habang isinusulat ito).
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 5 na ipinalabas nitong nakaraang linggo ng Department of Migrant Workers, ang posisyon o trabaho ay opisyal na tinatawag na residential support worker (RSW). Inilalatag sa memo na ito ang mga panuntunan sa job order para sa RSW / cleaner na magtatrabaho sa Saudi Arabia.
“Ang residential support worker ay hindi maninirahan, hindi titira sa kanilang employer na pinagsisilbihan at sila rin ay magkakaroon ng sitwasyon na various employers, hindi isa lamang ang kanilang employers,” DMW Undersecretary Felicitas Bay said in a press conference. Ibig sabihin halimbawa, iba’t ibang bahay sa iba’t ibang araw ang lilinisin ng RSW pero iisa lang ang kanyang amo at ito iyong recruitment agency.
Idiniin ni Bay na ang RSW ay hindi mag-aa-laga ng bata. Maglilinis lang sila ng bahay. Mananagot lang ang helper sa recruitment companies. Iba ito sa domestic worker. Magsisilbing amo rito ng helper o RSW ang megarecruitment companies (MRC) at hindi ang may-ari o residente ng bahay na kanilang lilinisin. Ang visa na gagamitin ng RSW ay skilled o labor visa. Sa magiging kontrata, walong oras lang sa isang araw ang trabaho ng RSW at itinakdang babayaran sila ng 150% overtime pay sa bawat oras na lalabis sa regular working hours. Kailangan meron siyang 24 oras na pahinga bawat linggo at 21 araw na paid vacation leave bawat taon. Alinsunod din sa batas ng Saudi, kailangang merong return ticket sa eroplano ang RSW para sa pagbalik niya sa Pilipinas.
Dagdag pa rito, ang MRC employer o iyong recruitment agency ang magbibigay ng tirahan sa RSW at maglalaan ng transportasyon sa pagpasok nito sa trabaho at pag-uwi at tatanggap ng health insurance at ibang benepisyo ang helper.
Sa ilalim ng panuntunan, hindi magbabayad ng recruitment fees ang aplikanteng RSW, awtomatikong dadagdagan ang sahod niya kapag nagpalabas ng bagong patakaran ang DMW at KSA sa minimum wage. At ang cleaner o RSW ay hindi pagtatrabahuhin bilang domestic worker.
Walang nakalaang detalye kung paano, saan at kailan mag-aaplay ang mga gustong magtrabaho bilang RSW-cleaner/helper sa Saudi Arabia. Maaa-ring magtanong sa mga lehitimo at rehistradong recruitment agencies o sa pisikal na tanggapan o website ng DMW na karaniwan namang daanan ng pag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa.
Parang bago sa pandinig itong posisyon itong RSW non-stay in. Bunga ito ng pag-uusap ng mga pamahalaan ng Pilipinas at ng KSA. Inaasahan ng DMW na mababawasan kundi man tuluyang mawala ang mga kaso ng mga pang-aabuso, pagmamaltrato, pagpapahirap, pananakit at iba pang pang-aabuso sa mga overseas Filipino worker na nagtatrabaho bilang katulong sa KSA.
Pero kung tutuusin, hindi na bago itong sistema ng non-stay in na mga domestic helper o cleaner. Marami na ring ganito hindi lang sa Saudi kundi sa ibang mga bansang Arabo tulad ng Qatar, United Arab Emirates at Kuwait na may mga ahensiyang nagsisilbing employer ng mga domestic worker na ipinapadala at pinagtatrabaho sa iba’t ibang mga bahay.
Maaaring magandang panimula ang panuntunang ipinalabas ng DMW hinggil sa mga RSW (helper/cleaner) na magtatrabaho sa Saudi Arabia at maging ang ipinalabas nitong white list na nagtatala ng mga lehitimong recuitment agencies na awtorisadong kumuha ng mga OFW na magtatrabaho bilang domestic worker sa Saudi Arabia at Kuwait. Alternatibo rin ito para sa mga OFW na gustong mamasukan kahit bilang katulong sa Saudi Arabia.
Hindi nga lang mabatid ang magiging reaksyon dito ng mga Arabong kumukuha ng mga domestic worker na OFW. Ibig kasi sabihin, kailangan pa nilang kumuha ng iba o hiwalay na tagalinis ng kanilang bahay bukod pa sa yaya, kusinera at mauutusan sa ibang gawaing-bahay. Karaniwan kasi, ang kinukuha nilang domestic worker ay inaasahan nilang gagawa ng lahat ng trabaho sa bahay. All around, wika nga. Lalo na kapag panahon ng Ramadan na halos araw-araw ay meron silang mga bisita sa bahay na kailangang estimahin at pakainin na dahilan para maging lubhang abalang-abala ang mga domestic worker na halos wala nang pahinga at ina-abot ng hatinggabi o madaling-araw sa pagtatrabaho. Bukod sa pagluluto, mag-aalaga rin sila ng bata o matanda, maglilinis pa ng bahay at iba pa. Meron ding mga domestic worker na pinagtatrabaho sa bahay ng mga kamag-anak o kaibigan ng kanilang amo kahit hindi ito kasama sa kanilang job contract.
Kaya nga nagkaroon ng mga panukala at panawagan na hindi dapat nakatira ang domestic worker na OFW sa bahay ng kanilang amo dahil sa mga nagaganap na pang-aabuso sa kanila. Dapat meron silang hiwalay na bahay na kanilang uuwian at tutulugan pagkatapos nilang magtrabaho sa bahay ng kanilang amo. Ito ang isang isyung tinutugunan ng bagong panuntunang inilatag ng DMW bagaman sumasaklaw lang ito sa mga tagalinis ng bahay o RSW. Sana nga ganito na rin ang sistema sa mga domestic worker.
* * * * * * * * *
Email – rmb2012x@gmail.com