Iyan ang nakikita kong malaking posibilidad na mangyayari sa dalawang impeachment cases na inihain laban kay VP Sara Duterte: Rest-im-peach. Si President Bongbong Marcos na ang unang nagmensahe sa mga mambabatas na huwag na itong ituloy.
Ngunit may nagsampa pa rin at silang lahat ay naniniwalang uusad ang impeachment kahit kaunti na lang ang panahon upang isagawa ito. Nagpahayag na ang Iglesia ni Cristo (INC) na magdaraos sila nang malawakang rally upang kontrahin ang impeachment. Ang INC ay alam na nating maka-Duterte.
Ngunit ito’y hindi naglalayong pababain sa kapangyarihan si Marcos kundi upang suportahan ang apela niya na huwag nang ituloy ang impeachment. Karamihan sa mga pulitiko ay umaasa sa boto ng INC. Kung papabor sila at boboto na ma-impeach si VP Sara, malamang mawawalan sila ng boto.
Iyan ay isa sa mga malakas na dahilan kung bakit napakaposibleng mabigo ang isinusulong na impeachment.
Isa pang dahilan ay ang maraming sumusuporta kay VP Sara sa Senado na magsisilbing Korte na hahatol kay VP sa sandaling isampa ang impeachment mula sa Mababang Kapulungan tungo sa Senado.
Kaya wala akong nakikitang matutupad ang layunin ng impeachment na tanggalin sa puwesto ang Vice President. Gusto man natin o hindi, malamang na iyan ang magiging kapalaran ng impeachment.
Maingay sa simula ang Mababang Kapulungan sa pagpapalutang ng mga pangit na alegasyon na nagpainit sa ulo ni Sara upang siya ay magmura at pagbantaan ang buhay ni Marcos, Unang Ginang at House Speaker Romualdez. Sa akin, palso iyan at matibay na ground para sa aksiyong legal at hindi pulitikal. Demanda Hindi impeachment.
Ikinatatakot ko lang, malaking puntos para kay Sara kung mabibigo ang impeachment. Baka kahit ihabla pa siya sa hukuman ay mapapawalang sala siya kung ang pagbabasehan ay ang pagkabigo ng impeachment na inihain laban sa kanya.